Dating Pangulong Duterte, walang nilabag na batas sa Covid fund transfer — Sen. Padilla

Ni NOEL ABUEL

Walang nilabag na batas si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa paglipat ng bilyun-bilyong piso sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) para labanan ang COVID-19.

Ito ang giit ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla sa pagsasabing ito ay base sa Section 4 ng Bayanihan Law 1 o ng RA 11469 na nagbubukod sa mga pagbili ng personal protective equipment (PPEs) mula sa procurement law at iba pang nauugnay na batas at alinsunod sa Government Procurement Policy Board Resolution na may petsang Abril 6, 2020.

Dagdag nito, binigyan ng emergency powers si Duterte noon para labanan ang pandemya at ang epekto nito.

“Si dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte ay walang nilabag na batas at sa katotohanan batay po sa Seksyon 4 ng Bayanihan Law 1 (RA 11469) na nagbubukod sa mga pagbili ng personal protective equipment (PPEs) mula sa procurement law at iba pang nauugnay na batas at alinsunod sa Government Procurement Policy Board Resolution na may petsang Abril 6, 2020,” paliwanag pa ni Padilla.

Noong nakaraang linggo, ibinunyag ni dating Health Secretary Francisco Duque III sa congressional inquiry na pinalipat niya ang P47.6 bilyon sa PS-DBM para bumili ng COVID-19 supplies, base sa aniya’y utos ni Duterte.

Iginiit ni Padilla na dapat ay walang batuhan ng putik sa isyu na ito dahil ang Pilipinas, tulad ng ibang pamahalaan noong panahong iyon, ay kailangang gumastos para talunin ang pandemya.

“Katulad ng ibang mga bansa tunay na sumuka ng salapi ang lahat ng gobyerno, ang karamihan ay katulad natin na nangutang para mapagtagumpayan ang pandemic ng COVID,” aniya.

“Kailangan ba talaga magbatuhan ng putik sa oras na ang Inang bayan ay nasa bingit ng tatahaking kapalaran?” tanong ni Padilla.

Leave a comment