SC pinuri sa pro bono legal aid sa mahihirap

Rep. Bernadette Herrera

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera ang Korte Suprema sa pamumuno ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa makabagong programang Unified Legal Aid Services (ULAS).

Ayon sa mambabatas, ang inisyatiba na ito ay mangangailangan sa lahat ng abogado na magbigay ng pro bono legal aid sa mga mahihirap kada tatlong taon sa panahon ng kanilang propesyonal na karera.

Nagpahayag si Herrera ng suporta para sa programang ULAS, na itinatampok ang potensyal nito na makabuluhang mapahusay ang access sa hustisya para sa mga marginalized at underprivileged na Pilipino.

“The Supreme Court’s initiative is a commendable step towards ensuring that our legal system serves all members of society, particularly those who are most in need,” sabi ni Herrera.

Ang SC ay tinatapos na ang mga patakaran para sa ULAS bilang bahagi ng kanilang Strategic Plan para sa Judicial Innovations 2022-2027.

Ang final leg ng regional consultations sa nasabing panuntunan ay isinagawa noong Mayo 31 sa University of San Agustin sa Iloilo City, kasunod ng nauna nang konsultasyon sa mga lungsod ng Baguio, Cagayan de Oro, at Makati.

Ang ULAS ay idinisenyo upang magbigay ng mandatory pro bono legal aid services na tulong sa mga kuwalipikadong benepisyaryo, kabilang ang mga indigent, marginalized members sector at mga non-governmental at non-profit na organization na nagtatrabaho sa public interest cases.

Ang mga iminungkahing panuntunan ay mag-aatas sa mga abogado na magbigay ng hindi bababa sa 60 oras ng pro bono services kada tatlong taon, alinsunod sa garantiya ng konstitusyon ng sapat na legal na tulong para sa mga Pilipino.

Binigyan-diin ni Chief Justice Gesmundo na ang ULAS Rules ay naglalayong magtatag ng isang pinag-isang at streamlined na balangkas para sa legal aid services, na tinitiyak ang ganap at epektibong pag-access sa hustisya para sa mga mahihirap, kulang sa representasyon, at marginalized sector.

Sinabi ni Herrera ang kahalagahan ng naturang inisyatiba para mabawasan ang agwat sa pagitan ng legal na propesyon at ng mga pangangailangan ng mahihirap.

“This program not only reinforces the duty of lawyers to serve the public but also strengthens the foundational principles of our justice system,” ani Herrera.

“I applaud Chief Justice Gesmundo and the Supreme Court for their commitment to judicial reform and social justice,” dagdag pa nito.

Ang ULAS program ay inaasahang gagalaw sa lalong madaling panahon, na nagmamarka ng isang makabuluhang milestone sa pagsisikap ng hudikatura ng Pilipinas na gawing mas madaling maabot ng lahat ng Pilipino ang hustisya.

Leave a comment