Caloocan LGU target mabigyan ng pabahay ang 150 pamilya

NI JOY MADELEINE

Nagsagawa ang pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng kanilang unang Housing Caravan bilang bahagi ng “Pambansang Pabahay para sa Batang Kankaloo” program.

Sa ginanap na okasyon noong Hunyo 11 sa Caloocan City Sports Complex, alinsunod sa Executive Order No. 34 Series ng 2023 ng Pangulo.

Sa ilalim ng inisyal na pagpaparehistro para sa nasabing programa, mahigit sa 1500 pamilya lalo na ang mga informal settlers, renters, at iba pang residente ng Caloocan City na walang sariling bahay ang magkakaroon ng pagkakataong maka-avail ng mga low-cost housing programs sa malapit nang matapos na Bagumbong and Deparo residences.

Binanggit ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na ang Housing Caravan ay magbibigay ng karagdagang detalye sa mga residente hinggil sa programa sa pabahay gayundin ay nagpasalamat sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), National Housing Authority (NHA), at Housing and Resettlement Office (HARO) ng lungsod para sa kanilang mahalagang tulong sa tagumpay ng programa.

“Malaki po ang ating pasasalamat sa DHSUD, NHA, at lalo na sa HARO dahil po sa kanilang pagkilos na tulungan ang ating mga kababayan na magkaroon ng sariking tahanan,” sabi ng alkalde.

“Layunin po ng Housing Caravan na bigyan ang ating mga mamamayan ng impormasyon tungkol sa mga pabahay sa Bagumbong at Deparo, kabilang na rin ang proseso ng pag-a-apply,” dagdag nito.

Pinaalalahanan ng lokal na punong ehekutibo ang kanyang mga nasasakupan na bibigyan ng prayoridad sa pamamagitan ng mahigpit na pagsusuri na nangangailangan ng mga bagong tahanan kasabay ng pagtitiyak sa kanyang mga nasasakupan na mas maraming proyekto ang ipatutupad ng pamahalaang lungsod upang matugunan ang mga problema sa pabahay.

“Tandaan lang po natin na uunahin po natin sa mga makakakuha ng murang pabahay ang mga talagang nangangailangan katulad ng mga informal settlers upang matulungan natin silang mabilis na makapagsimula ng bagong buhay,” sabi ni Along.

“Sa mga Batang Kankaloo, huwag po kayong mag-alala dahil titiyakin po natin na magsasagawa pa tayo ng mga programa upang magkaroon pa ng mas maraming mura at malapit na pabahay sa Lungsod ng Caloocan,” ayon pa dito.

Leave a comment