Korean national na wanted nasabat sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang papaalis na pasaherong South Korea na pinaghahanap sa kanyang bansa dahil sa pagkidnap, pambubugbog, pagkulong, at pangingikil sa isang kababayan dalawang buwan na ang nakakaraan.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nasabing dayuhan na si Kim Yonghyun, 28-anyos, na nasabat sa NAIA Terminal 3 terminal noong Hunyo 3 bago pa makasakay ng Cebu Pacific flight papuntang Incheon.

Sinabi ni Tansingco na agad na dinakip si Kim matapos ang kanyang pangalan ay makitang positibong nasa hit sa listahan ng red notice ng Interpol na naka-link sa database system ng BI.

“Since he was departing to Korea, we subsequently allowed him to board his flight after informing our counterparts in Seoul about his impending arrival there. Thus, he was arrested upon his arrival at the Incheon airport where Seoul policemen were waiting for him,” ayon sa BI chief.

Ayon ss BI-Interpol, dinukot at ikinulong ni Kim ang di pinangalanang biktima nito sa isang lugar sa Cheonansi, South Korea noong Abril 7.

Nanghingi umano ito ng pera sa biktima, paulit-ulit na sinuntok ang mukha, sinunog ang katawan gamit ang sigarilyo, at binantaang sasaksakin ito ng gunting.

Pagkatapos ay ninakawan ni Kim ang biktima, kabilang ang kanyang cellphone, bag at cash, bago tumakas.

Dahil dito, nabasag ang eardrum, contusion ng mata, at paso ang biktima na kinailangan ng apat na linggong pagpapagamot.

Sinampahan si Kim ng kasong robbery at physical injuries sa district court sa Daejon City, South Korea na naglabas ng warrant para sa pag-aresto sa kanya noong Mayo 22.

Si Kim ay agad na inilagay sa blacklist ng BI para hindi na makabalik sa bansa.

Leave a comment