Magsasaka lalong nalulubog sa 5/6 — Villar

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Senador Cynthia Villar na lalo lang malulubog sa pagkakautang ang mga magsasaka kung hindi tutulungan ng pamahalaan.

Sa pagdinig ng Senate Committees on Agriculture, Food and Agrarian Reform at Committee on Public Information and Mass Media at Ways and Means and Finance, sinabi ni Villar na napipilitang mangutang sa 5/6 ng mga magsasaka dahil sa nahihirapan sa pagsunod sa itinatakda ng mga bangko.

Tugon ito ng senador dahil sa maraming magsasaka ang nahihirapan na mangutang ñ kung saan dapat aniyang gamitin ng Landbank at Development Bank of the Philippines (DBP) ang mga kooperatiba upang dito mangungutang ang mga magsasaka.

Aniya, hindi kaya ng mga magsasaka na mag-fill up ng application form sa mga bangko kung kaya’t mas madali kung idadaan na lamang ito sa mga kooperatiba dahil karamihan ay kakilala ang mga magsasaka.

“Itong DBP at Landbank ang mura-mura lang kasi wala silang cost of money, bigay lang ng gobyerno ‘yung pera. They charged 2 to 4 percent, pwede ngang patungan ng kooperatiba ng additional 8 percent, mura pa rin. Kasi ‘yung 5/6 is P5.00 today you pay P6.00 tomorrow. That’s 7,200 percent a year.

Aniya, walang negosyo na nakikita ng 7,200 kada taon sa 5/6.

Ayon pa kay Villar, kahit nga silang magagaling at mayayamang negosyante ay hindi kayang kitain ang 20 porsiyentong interes kada araw.

Aniya, lalong nalulubog sa pagkakautang ng mga magsasaka at hindi na nakakaahon pa.

Kaugnay nito, kinalampag ni Villar ang Landbank at Development Bank of the Philippines (DBP) na dapat na magpautang sa mga kooperatiba para sa maliliit na magsasaka.

Pinayuhan din ni Villar sa Landbank na magtungo sa Bank of Indonesia para mapag-aralan ang ginagawa nito para makatulong sa mga magsasaka.

Leave a comment