Proper security protocols kulang sa NAIA — Sen. Tulfo

Ni NOEL ABUEL

Nakatakdang maghain ng resolusyon si Senador Raffy Tulfo para maimbestigahan ang kabiguang magpatupad ng security protocols sa mga paliparan sa bansa.

Ayon kay Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Public Services, nagdesisyon ito na mag-imbestiga ang Senado hinggil sa kamakailan ay kumalat sa social media ang video ng isang hubo’t hubad na babaeng Vietnamese national sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Base sa ulat, ang naturang babae ay residente ng Binh Minh, Vietnam, at papaalis na sana patungong Ho Chi Minh City noong Hunyo 8, 2024.

Ngunit ito ay na-offload matapos umanong mapansin ng immigration officer na ito ay may mental disorder at overstaying tourist sa bansa na kailangan ng magbayad ng multa.

Bagama’t pinayagan ding lumabas ng bansa ang Vietnamese national ng parehong araw matapos masuri sa MIAA Medical clinic, binigyan diin ni Tulfo na kapansin-pansin sa lumabas na video na tila nagulat at hindi sigurado ang airport security kung ano ang gagawin sa sitwasyong katulad nito.

Aniya, hindi napigilan ng security ang babae na patuloy na maglakad patungo sa boarding gate na nagdulot ng komosyon sa airport.

“Mayroon bang sapat na training ang airport security personnel kung paano ang gagawin sa mga pangyayaring katulad nito?,” tanong ng senador.

“Dapat linawin ang mga tungkulin na kailangang gampanan ng Philippine National Police Aviation Security Group, Manila International Airport Authority, Office for Transportation Security, blue guards at iba pang concerned agencies sa ganitong mga sitwasyon para maiwasan ang pagtuturuan at sisihan,” paliwanag pa nito.

Sinabi pa ni Tulfo na panahon nang magpatupad ng maayos na sistema at security protocols ang NAIA.

“Panahon na rin para magkaroon ng maayos na sistema at security protocols upang hindi na ito maulit pa!” sabi nito.

Leave a comment