Solon nanindigan na lisensyado ng PAGCOR ang ilang na-raid na POGO

Ni NOEL ABUEL

Nanindigan ni Senador Win Gatchalian na ang ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), na ngayon ay tinatawag na Internet Gaming Licensees (IGLs), na ni-raid ng mga awtoridad ay lisensyado ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).

Ito ang pahayag ni Gatchalian matapos sabihin ng PAGCOR na ang lahat ng mga POGO na na-raid ay walang kaukulang lisensya mula sa ahensya.

Kabilang dito ang mga ni-raid noong nakaraang taon tulad ng Colorful and Leaf Group, isang sublessee ng PAGCOR-licensed CGC Technologies sa SunValley sa Clark Pampanga; Smartweb Technology Corp.; at Rivendell sa Pasay City.

Ang mga ito umano ay sangkot sa human trafficking, illegal detention, torture, iba’t ibang anyo ng online fraud at scamming, at prostitusyon.

Ang Hongsheng Gaming Technology at Zun Yuan Technology na matatagpuan sa Bamban, Tarlac ay mayroon ding lisensya mula sa PAGCOR noong ni-raid ang mga ito.

Ibinunyag ng senador na batay sa mga opisyal na dokumento, nagsagawa ng inspeksyon ang PAGCOR sa Hongsheng ilang linggo bago ang raid noong Pebrero 1, 2023, at nakalagay mismo sa inspection papers na sumunod ito sa health and safety protocols.

“Ang mas nakakagulat pa, ininspeksyon ng PAGCOR ang Hongsheng sa mismong araw na ni-raid ang kumpanya,” ang dismayadong sabi ni Gatchalian.

Batay pa rin sa opisyal na rekord ng PAGCOR, sinabi rin ni Gatchalian na may provisional license ang Zun Yuan nang ma-raid ito at doon sa mismong araw lang ng raid kinansela ng PAGCOR ang provisional license ng Zun Yuan.

Dagdag pa ng senador, mula Marso 1 hanggang Marso 10, 2024, nagsagawa pa ng inspeksyon ang PAGCOR sa Zun Yuan at walang nakitang iregularidad bago ni-raid ang noong Marso 13.

“Sa kaso naman ng Lucky South 99 Outsourcing Inc. sa Porac, Pampanga, may katibayan ang mga awtoridad na konektado ito sa Hongsheng na lisensyado ng PAGCOR. ‘Yung mga walang lisensya, ginagamit nila ang may lisensya para makapasok dito sa Pilipinas ang mga foreign nationals na gumagawa ng mga krimen. At ‘pag may lisensya ka na sa PAGCOR, mabibigyan ka na rin ng Alien Employment Permit mula sa DOLE pati na Alien Certificate of Registration Identity Card mula sa Bureau of Immigration,” paliwanag ni Gatchalian.

“Tila nahawa na yata ang PAGCOR kay Mayor Alice Guo at hindi na naalala na ‘yung ibang nare-raid na POGO ay lisensyado nila mismo. Ang tahasang kabiguan ng PAGCOR na i-regulate ang industriya ng POGO ay humantong sa sitwasyon kung saan ang mga POGO ay naging banta sa ating lipunan,” giit ng mambabatas.

“Kaya naglipana ang mga POGO ngayon kasi tinatanggalan nga ng PAGCOR ng lisensiya ang ibang POGO pero ‘yung employment permit hindi naman kinakansela, hindi naman minomonitor, walang maayos na regulasyon. Kaya tuloy ang ligaya ng mga POGO sa bansa,” dagdag pa ni Gatchalian.

Leave a comment