Magiging sports tourism leader ang Pilipinas– Cayetano

Sen. Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

“We will be a sports tourism powerhouse.”

Ito ang sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano sa kanyang pagdalo sa ceremonial ball turnover para sa solo hosting ng bansa sa FIVB Volleyball Men’s World Championship 2025.

Buong kumpiyansang sinabi ni Cayetano na magiging isa sa mga pangunahing destinasyon para sa sports tourism ang Pilipinas.

“What makes us a perfect venue for hosting multiple teams and multiple sports [ay] ang hospitality ng Plipino. Iba talaga,” wika ni Cayetano.

“We really care, we really treat them as family. Kahit makakalaban mong team, aalagaan mo,” dagdag nito.

Nanguna sa ceremonial turnover si Volleyball World CEO Finn Taylor, na siyang nag-imbita kay Cayetano, ang Chairman Emeritus ng Philippine National Volleyball Federation o PNVF, sa entablado.

Kasama ng mga ito ang co-chairperson ng local organizing committee na sina Vincent Marcos at Tourism Secretary Christina Frasco.

Kasama rin sa seremonya sina Senador Pia Cayetano, PNVF president Ramon Suzara, Pasay City Mayor Emi Rubiano, Tagaytay City Mayor Abraham Tolentino, FIVB Australia Head of Technical and Development Steve Tutton, at Asian Volleyball Confederation o AVC President Rita Subowo.

Umaasa si Cayetano na mas magiging matagumpay ang mga susunod na pagho-host ng bansa dahil sa mga aral na natutunan mula sa nakaraang pagho-host ng mga prestihiyosong sporting events.

“Ang isang challenge natin of course ay ang facilities. We’re learning. But the basics for a good community are also the basics for good hosting,” sabi nito.

“I think there’s one thing we should focus on: supporting our own athletes. Pag ginawa natin ‘yan, sports tourism will grow,” aniya pa.

Nagsisilbing panimula para sa grand solo hosting ng FIVB ang VNL Men’s Tournament sa Mall of Asia ngayong linggo.

Kabilang sa mga kalahok sa tournament ay ang mga fan-favorites tulad ng Japan, USA, Brazil, Germany, France, at Canada.

Leave a comment