2 US sex convicts naharang sa NAIA at MCIA

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang US sex convicts sa magkahiwalay na insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Mactan-Cebu International Airport (MCIA).

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang US nationals na sina Danny Albera Rodriguez, 52-anyos, at Kenneth Allen Roedell, 72-anyos.

Nabatid na si Rodriguez ay naharang sa NAIA Terminal 1 noong Hunyo 17 habang si Roedell ay nasabat sa MCIA noong Hunyo 10.

“As a consequence of their exclusion they have been placed in our immigration blacklist and perpetually banned from re-entering the Philippines for being undesirable aliens,” sabi ni Tansingco.

Idinagdag nito na ang dalawang pedophiles ay mga rehistradong sex offenders (RSO) na sa ilalim ng Philippine Immigration Act, ay itinuring na excludable aliens dahil sa nahatulan sa mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude.

Napag-alaman na noong 2003 ay hinatulan si Rodriguez sa two counts na sexual assaults in second and third degrees kung saan ang mga biktima ay wala pang 14 taong gulang.

Sa kabilang banda, si Roedell ay nahatulan noong 2004 dahil sa sekswal na pangmomolestiya at paggawa ng mahalay laban sa isang 12-taong-gulang na biktima.

Sinabi ni Tansingco na ang pagharang sa dalawang pedophiles ay naging posible dahil sa ilang dekadang kooperatiba sa pagitan ng gobyerno ng US at Pilipinas kung saan ang una ay nangakong magbigay sa huli ng paunang abiso tungkol sa mga nagbibiyaheng sex offenders.

Idinagdag ng BI chief na ang batas ng US ay nag-uutos sa Homeland security department na pigilan ang pagsasamantala sa mga bata at iba pang mga sekswal na krimen sa pamamagitan ng pag-abiso sa mga dayuhang bansa tungkol sa paparating na mga US national na nahatulan ng sex crimes na kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Leave a comment