6,000 benepisyaryo sa Surigao del Sur nakatanggap ng bigas at livelihood aid

Ni NOEL ABUEL

Aabot sa 6,000 residente ng Surigao del Sur ang tumanggap ng bigas at tulong pinansyal kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na naglalayon ding tumulong sa ilang sektor ng lipunan, mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong sa paaralan at mga nahihirapang maliliit na negosyante.

Pinangunahan ni Romualdez ang pamamahagi ng tulong sa pamamagitan ng Cash and Rice Distribution (CARD), Start-up, Incentives, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL) at ang Integrated Scholarship and Incentives Program for the Youth (ISIP for the Youth) sa magkakahiwalay na seremonya sa probinsya.

“Pag may BPSF sa isang lugar, tiyak na may distribution din sa ilalim ng CARD, SIBOL at ISIP. At atin itong hinihiwalay para masiguro na ating maabot ang ilang sektor ng lipunan na nahihirapan sa ating panahon ngayon,” ayon sa lider ng mahigit 300 kongresista.

“Each of the sectors benefitting from these programs have their own unique challenges to face. Kaya naman nag-isip tayo ng mga programa na tatarget sa mga kababayan nating ito para sila ay matulungang umahon sa mga hamong hinaharap araw-araw,” dagdag nito.

Si Romualdez ay isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng lahat ng mga programa, tulad ng sinabi nito na laging naghahanap ng mga paraan upang matulungan ang lahat ng mga sektor na nangangailangan ng tulong.

“Lahat ng tulong na ito ay may balik. Tinutulungan natin sila sa oras ng kanilang pangangailangan para pagdating ng panahon na sila ay umunlad, magiging produktibong miyembro na sila ng lipunan,” ayon kay Romualdez.

Sinabi naman ni House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada Jr., isa sa mga pinuno ng BPSF National Secretariat, ang CARD program, na naglalayong tulungan ang mga kabilang sa mga vulnerable sector tulad ng senior citizens, PWDs, single parents, at Indigenous Peoples, bukod sa iba pa, ay magbibigay ng bigas at cash aid sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Sa simpleng seremonya na ginanap sa Barangay Mangagoy Gymnasium, sinabi ni Gabonada na may kabuuang 2,000 benepisyaryo sa Surigao del Sur ang nakatanggap ng tig-P2,000 sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Bukod sa cash aid at libreng 5 kilong bigas, ipapatala rin ang mga mag-aaral sa ilalim ng Tulong Dunong Program ng Commission of Higher Education kung saan makakakuha ang mga mag-aaral ng scholarship assistance kada semestre na aabot sa kabuuang P15,000.

Leave a comment