2 wanted Chinese nationals arestado ng BI

NI NERIO AGUAS

Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese nationals na wanted sa kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot sa illegal na sugal at kidnapping.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tangsingco, ang dalawang dayuhan ay naaresto sa magkahiwalay na operasyon ng mga tauhan ng BI fugitive search unit noong Hunyo 19 sa Parañaque at Pasay City.

Kinilala ang dalawang People’s Republic of China (PROC) nationals na si Zhu Tingyun, 43-anyos, na nadakip sa bahay nito sa Bgy. Tambo, Parañaque, at si Wang Yun, 30-anyos, na nahuli sa kahabaan ng Metrobank Avenue sa Pasay City.

“We will deport them to China so they could stand trial for their alleged crimes and they will remain in our blacklist to prevent them from re-entering the Philippines,” sabi ni Tansingco.

Dagdag pa ng BI chief, ang dalawang pugante ay overstaying na dahil ilang taon nang nagtatago sa bansa para makaiwas sa pag-uusig sa kanilang mga krimen.

Nabatid na binawi na rin ng China ang kanilang mga pasaporte kung kaya’t itinuturing na ang mga illegal aliens.

Ayon sa Chinese embassy sa Manila, si Zhu ay mayroong outstanding warrant of arrest na inilabas ng public security bureau sa Cangwu County, Guangxi, China.

Inakusahan itong nagpapatakbo ng isang sindikato na nag-o-operate ng isang online site ng pagsusugal sa mga customer na Chinese na ang kabuuang taya mula noong 2016 ay iniulat na umabot sa mahigit 30 bilyong Chinese yuan, o humigit-kumulang US$4.1 bilyon.

Nabatid na malapit nang ibalik si Zhu sa China dahil inisyu na ng BI noong nakaraang taon ang utos para sa kanyang deportasyon dahil sa pagiging undesirable alien.

Samantala, si Wang, na may arrest warrant na inilabas din ng public security bureau ng Jinjiang City sa kasong kidnapping.

Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang nasabing mga dayuhan habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon sa mga ito palabas ng bansa.

Leave a comment