PhilHealth at DOH pinuri ni Speaker Romualdez sa ‘adjusted’ dialysis assistance

Ni NOEL ABUEL

Pinasalamatan ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sina Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) chief executive officer Emmanuel Ledesma Jr. at Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa sa pag-apruba sa kanyang kahilingan para sa dagdag na tulong pinansyal para sa mga pasyente ng dialysis.

Sinabi ng pinuno ng 300-plus na miyembro ng Kamara na ang pagtaas mula P2,600 hanggang P4,000 ay malaking tulong sa mahigit 1 milyong Pilipinong sumasailalim sa dialysis.

Aniya, ang pagsasaayos ay nagpapadali sa pinansiyal na pasanin ng mga pasyente at kanilang mga pamilya.

“With the increased assistance, they will no longer have to augment the amount they spend for this procedure, even in private health facilities,” sabi ni Romualdez.

Idinagdag nito na ang pagsasaayos ay sumusuporta sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng Universal Health Care Law na mabigyan ng libreng pangangalagang pangkalusugan ang mahihirap na Pilipino.

Gayunpaman, ipinunto ni Romualdez na ang dialysis ay hindi isang lunas kundi nagpapahaba lamang ng buhay ng isang taong may kidney disease at ang mga ugat nito.

“We appeal to concerned patients to have these basic ailments checked and treated, like diabetes and hypertension, before they lead to kidney problems that require dialysis. They can of course avail themselves of PhilHealth benefit packages for these illnesses,” giit nito.

Umaasa ang pinuno ng Kamara na maaaprubahan din ng PhilHealth ang iba pang libreng serbisyong pangkalusugan na itinataguyod nito at ng iba pang kongresista, tulad ng libreng laboratory test at libreng mammogram.

Leave a comment