Escudero kumpiyansa sa legislative agenda sa LEDAC meeting

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang ika-5 pagpupulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) para talakayin ang mga prayoridad na panukalang batas ng administrasyon.

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng kumpiyansa si Senate President Francis “Chiz” G. Escudero sa legislative agenda ng pamahalaan sa kanyang unang pagdalo sa pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) bilang bagong lider ng Senado.

“Magandang karanasan,” pahayag ni Escudero matapos dumalo sa pagpupulong ng LEDAC na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang nitong Martes.

Sinabi nito na ang produktibong pakikipagtalakayan kay Pangulong Marcos at House Speaker Martin Romualdez, kasabay ng pagbibigay-diin sa pangakong bigyang importansiya ang pagbuo ng mahahalaga at makabuluhang batas sa natitirang 73 araw ng sesyon ng 19th Congress.

“Maganda ang naging usapan sa pagitan ng Kamara at Senado, gayundin ang Ehekutibo kaugnay sa mga mahahalaga at makabuluhang batas na kailangang tutukan sa natitirang 73 araw ng sesyon ng Kamara at Senado. Buo ang pag-asa at paniniwala ko na kaya naming magawa ito,” sabi ni Escudero.

Ayon sa Senate President, uunahin ng Senado ang pagpasa sa anim na natitirang 10 priority measures na kinilala ng LEDAC, kabilang ang tatlong pangunahing prayoridad na mga panukala ng Senado, kapag nagpatuloy ang sesyon sa susunod na buwan.

“The Senate is committed to working diligently toward the passage of these essential measures. We aim to address critical areas that will enhance our economic framework, environmental sustainability, and governance,” saad ni Escudero.

Ang anim na prayoridad na panukala ng LEDAC na nakatakda para sa deliberasyon sa plenary at pag-apruba sa final reading sa Senado ay ang Blue Economy Act, Enterprise-Based Education and Training Framework Act, amyenda sa Universal Health Care Act, pagtatayo ng Department of Water Resources, Open Access in Data Transmission Act, at Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy o CREATE MORE.

Isinulong din ni Escudero na maisama at maaprubahan ang tatlong Senate priority measures sa Common Legislative Agenda (CLA) ng LEDAC.

Ito ay ang pag-amiyenda sa Right-of-Way Act (Republic Act 10752), Investors’ Lease Act (R.A. 7652), at ang Comprehensive Agrarian Reform Law (R.A. 6657).

Layunin ng pag-amiyenda ng R.A. 10752 na padaliin ang pagbibigay ng Right-of-Way para sa mga public projects, habang ang pagbabago sa R.A. 7652 ay magbibigay daan sa pagpapaupa ng pribadong lupa ng hanggang 99 taon para makahikayat ng mga foreign investments.

Samantala, pakay naman ng pag-amiyenda sa R.A. 6657 na iangat ang restriksiyon sa ownership at transfer ng lupa na iginawad sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) para mapalakas ang agricultural productivity.

“The amendments to these laws will provide the necessary legal framework to expedite infrastructure projects and attract more foreign investments, thereby creating more jobs and boosting our economy,” paliwanag ni Escudero.

“Lifting restrictions on agrarian reform lands will also help increase agricultural productivity and improve the lives of our farmers,” dagdag pa nito.

Sinabi rin ni Escudero na kailangan ng karagdagang paglilinaw sa apat na LEDAC measures – ang Waste-to-Energy (Senate Bill No. 2267), Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (SB No. 2034), Unified System of Separation, Retirement, and Pension of Military and Uniformed Personnel (SB No. 2501), at ang E-Government Act / E-Governance Act.

Sa 20 CLA bills na nararapat ipasa sa katapusan ng Hunyo 2024, tatlo na ang naging batas kasama ang Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS) Act (R.A. 11995), Negros Island Region Act (R.A. 12000), at Real Property Valuation and Assessment Reform Act (R.A. 12001).

Tatlo pang panukala ang naghihintay ng presidential approval: ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act (SB No. 2432/House Bill No. 3917), New Government Procurement Act (SB No. 2593/HB No. 9648), at ang Anti-Financial Accounts Scamming Act (AFASA) (SB No. 2560/HB No. 7393).

Apat na panukala naman ang nasa Bicameral Conference Committee, kabilang ang Philippine Maritime Zones Act, Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act, the Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act, at ang VAT on Digital Services.

Ayon kay Escudero, ang legislative agenda ng Senado ay nakatuon sa inclusive at sustainable development.

“By focusing on these measures, we aim to foster economic resilience, improve public service delivery, and enhance the quality of life for all Filipinos,” ani Escudero.

“We are optimistic that with collaboration and dedication, we can achieve these legislative goals and make a meaningful impact on the lives of our citizens,” pagtatapos nito.

Leave a comment