Paglaban sa child labor tutuldukan ng DSWD at Caloocan gov’t

Ni JOY MADELEINE

Aabot sa kabuuang 30 benepisyaryo ang nakatanggap ng livelihood packages sa pamamagitan ng partnership ng lokal na pamahalaan ng Caloocan, sa pagsisikap ng Public Employment Service Office (PESO), at Department of Labor and Employment (DOLE) na patuloy na palakasin ang mga programa ng lungsod laban sa child labor.

Ang nasabing mga benepisyaryo ay mga magulang ng mga dating child laborers, na pawang nakatanggap ng bigasan packages upang simulan ang kanilang negosyo at matustusan ang kanilang mga pamilya sa isang tapat at makabuluhang paraan.

Inamin ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na ang mga mapagsamantalang aktibidad tulad ng child labor ay maaaring mangyari dahil sa matinding pangangailangan ng pamilya, na nangangailangan ng mabilis at mapagpasyang tugon mula sa pamahalaang lungsod.

“Kahit kailan po ay walang puwang sa ating lungsod ang anumang pang-aabuso lalo na laban sa mga bata, ngunit sa hirap ng buhay, naiintidihan ko rin po kung bakit may mga batang patuloy pa ring nagtratrabaho upang mabuha ang kanilang pamilya. Kaya naman po ganun din ang pagpupursigi natin na puksain ang kahirapan sa Lungsod ng Caloocan,” ayon sa alkalde.

Binigyan-diin ni Malapitan na bilang mga magulang, sila ang may pananagutan sa kapakanan ng kanilang mga anak at hinikayat ang mga benepisyaryo na palakihin ang kanilang mga bagong negosyo para sa kapakanan ng kani-kanilang pamilya.

“Noong tumayo po ako bilang Ama ng Caloocan, lagi pong una sa aking mga prayoridad ang isang magandang buhay para sa mga Batang Kankaloo. Bilang magulang, tungkulin po natin na hayaang maging bata at maging masaya ang ating mga anak,” aniya.

“Ang hiling ko po sa inyo, palaguin ninyo po ang negosyong handog sa inyo. Hindi po para sa akin o para sa PESO o DOLE, kundi para po sa ikabubuti ng buhay ng inyong pamilya,” sabi pa ni Malapitan.

Leave a comment