Kulong at multa sa opisyal ng pamahalaan na mamimili sa pamimigay ng ayuda

Ni NOEL ABUEL

Mahaharap sa parusang pagkakakulong at diskuwalipikasyon ang sinumang opisyal ng pamahalaan na mapapatunayang namimili sa pagbibigay ng tulong sa kanilang mga nasasakupan.

Sa panukalang batas na inihain ni Deputy Majority Leader at ACT-CIS party list Rep. Erwin Tulfo na may titulong “An Act Penalizing Selective, Discretionary, and Discriminatory Acts in the Delivery of Cash, Livelihood, or Relief Assistance Programs of Local Government Units (LGUs), nakasaad na papatawan ng parusang pagkakakulong ng anim na buwan hanggang isang taon at perpetual disqualification sa mga public officials na mapapatunayang lalabag dito.

“Lagi nating naririnig ang problema na namimili si government official ng bibigyan niya ng ayuda mula sa gobyerno tuwing may kalamidad, pero wala namang nangyayari sa reklamo dahil walang napaparusahan dahil walang batas laban dito,” ayon kay Tulfo.

Aniya, may mga pagkakataon na pinipili at inuuna ng mga lokal na opisyal ng gobyerno ang mga tatanggap ng mga programa ng tulong batay sa personal na konsiderasyon.

“Usung-uso ito sa ating bayan na pinipili lang ni opisyal ang bibigyan ng ayuda dahil hindi niya ito supporter. Dapat ang ayuda ay walang pinipiling kulay. Dapat kahit anong partido ka, mapapula, berde, dilaw, pink, puti, it does not matter,” pahayag pa ng mambabatas.

Naniniwala si Tulfo na ang ganitong kasuklam-suklam na gawain ay direktang paglabag sa accountability at transparency sa government service.

“Ang iba namang opisyal inuuna ang mga kamag-anak tulad ng nangyari noong pandemya. Dapat hindi ganu’n,” dagdag pa ni Tulfo.

Sinabi ng kongresista na hihilingin nito ang suporta ng kanyang mga kasamahan sa ACT- CIS party list na sina Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City, at 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo upang maging mga co-authors ng naturang panukalang batas.

Leave a comment