News

Full automation sagot sa smuggling at pagpaparusa sa tiwaling empleyado ng BOC

Iminungkahi ni Senador Panfilo Lacson ang paggamit ang full automation sa mga operasyon ng Bureau of Customs (BOC) upang mapanagot ang mga empleyado na sangkot sa smuggling.

Ayon kay Lacson, tatlong solusyon ang nakikita nitong makakapagpatigil sa talamak na pagpupuslit ng produktong pang-agrikultura at kurapsyon sa lahat ng ahensya ng gobyerno.

“First, it is time to fully automate our Customs operations just like most, if not all, of our trading partner countries. Everything, from the filing of application for accreditation all the way to payment of taxes and duties, should be done online. This will eliminate human intervention every step of the way. Tingnan ko na lang kung makapang-kurakot pa ang mga tiwaling kawani nila,” ani Lacson.

Aniya pa, pangalawang mahalagang solusyon ang pagpapanagot sa mga sangkot na empleyado ng Customs at pagpapatupad ng isang pamantayan sa halip na double standard.

Ngunit pinakaimportante aniya sa lahat ang pagkakaroon ng leadership by example.

“This applies to all agencies of government, by the way,” paliwanag ni Lacson hinggil sa kanyang panukalang solusyon na kanyang ipatutupad sakaling palarin na mahalal sa May 2022.

                Nitong Martes, sinita ni Lacson ang pagiging talamak ng agricultural smuggling sa kabila ng pagkakaroon ng tatlong batas para matigil na ito.

Kinuwestyon din nito ang Bureau of Customs sa pagdinig ng Senado kung bakit naghain ito ng 75  kaso sa kabila ng kanilang report na nakapaghuli sila ng daan-daang aktibidad ng smuggling sa kanilang mga operasyon.

“Importante na mag-automate tayo. May batas tayo, ang Customs Modernization and Tariff Act. Computerized tayo pero ayaw mag-automate,” dagdag ng senador.

Sa kabilang banda, sinabi rin ni Lacson na dapat mailagay sa posisyon ang mga tamang tao sa kada ahensya kung saan inihalimbawa nito ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), na isang health insurance agency na dapat pamunuan umano ng isang indibidwal na may alam sa finance ngunit ang ex-officio chairman nito ay isang doktor.

“Sa skills matching, may diperensya tayo kung sino ang ina-appoint. Hindi tugma ang position sa skills,” giit ni Lacson.

Leave a comment