Disiplina at bakuna sagot sa COVID-19 at Omicron – Sen. Go

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Senate Committee on Health chairman at Senador Christopher Bong Go  ang kahalagahan ng  kooperasyon, disiplina at pagpapabakuna para malabanan ang COVID-19 at ang lumalaganap na Omicron variant.

Sinabi ni Go na bagama’t bumababa ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, hindi dapat magpakakampante ang lahat  dahil sa banta ng Omicron variant na mayroon nang dalawang kumpirmadong kaso sa Pilipinas.

Kaugnay nito ay muling nanawagan si Go sa mga hindi pa bakunado na magpabakuna na lalo na at marami nang bakuna ang bansa na umaabot sa mahigit 150 million doses.

Ayon kay Go, nakikita nitong sumasaya na ang  papalapit na Pasko  dahil sa pagbaba ng mga kaso  kaya naman  hindi dapat aniya masayang  ang naumpisahan na ng bansa.

Binigyang diin nito na hindi dapat matakot sa bakuna ang  lahat dahil ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay bunga ng marami nang nabakunahan, nasanay na ang mga tao sa paggamit ng face mask  at physical distancing.

Dagdag pa ni Go na dapat makinig pa rin sa mga advisories ng gobyerno ang lahat dahil hindi kakayanin ng gobyerno ang laban kung walang kooperasyon ng sambayanan.

Leave a comment