NEA at LWUA ipatawag ng Palasyo—Senador Tolentino

Ni NOEL ABUEL

Hinimok ni Senador Francis “Tol” N. Tolentino ang Palasyo na ipatawag ang National Electrification Administration (NEA) at Local Water Utilities Administration (LWUA) para agarang matugunan ang pagsasaayos ng supply ng kuryente at tubig sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.

Sinabi ni Tolentino na dapat hingan ng report ng gobyerno ang NEA at LWUA kaugnay sa logistics na kakailanganin para mapabilis ang pagtugon ng gobyerno sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.

“Alam n’yo po executive action na ito eh, kailangan ito kaninang madaling-araw pinagre-report na ang mga ‘yun, anong status na n’yan? Anong electric cooperative ‘yan, ano ang maitutulong ng national government para maitayo ang mga poste? Ilang mga crane ang kailangan ninyo?”  pag-uusisa ni Tolentino.

Dagdag pa ng senador, maari rin makipag-ugnayan ang gobyerno sa Philippine Contractors Association (PCA) para mapabilis ang clearing operations sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.

Ani Tolentino, maraming heavy equipments ang mga pribadong contractors na nakatabi lamang na maaring i-mobilisa ng gobyerno, partikular sa mga lugar tulad ng Leyte, Samar, Tacloban, Cebu, at Surigao.

Dapat din aniyang magtalaga ng point-person ang gobyerno na s’yang kukumpas para mapabilis ang pag-responde ng gobyerno sa mga pangangailangan ng mga lubhang naapektuhan ng bagyo.

Leave a comment