
Ni NOEL ABUEL
Muling nanawagan si Taguig 2nd District Rep. Lani Cayetano sa mga kapwa nito kongresista na i-regulate ang operasyon ng e-sabong bago magdesisyon kung bibigyan ng 25-taong operasyon.
“Huminahon tayo sa pag-aapruba ng ganitong klaseng mga batas dahil ang epekto ng e-sabong, hindi pa nga opisyal na nabibigay ang prangkisa nila, ay grabe na talaga,” panawagan ni Cayetano.
“It is clear that we firmly believe that the effects of e-sabong would be adverse once Congress approves its 25-year franchise,” dagdag nito.
Una nang inaprubahan noong nakalipas na Setyembre ng Mababang Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa na nagbibigay sa e-sabong outlet Lucky 8 Star Quest, Inc. ng 25-year legislative franchise.
Nasundan ito ng pag-apruba ng House Ways and Means panel sa isa pang operator na Visayas Cockers Club Inc. na may kahalitulad na 25-taon.
Samantala, sa panig ng Senado, mabigat ang pagtutol ni Senador Grace Poe, chairman ng Committee on Public Service, na bigyan ng 25-taong prangkisa ang Lucky 8 Star Quest kung saan sinuspende nito ang pagdinig dito.
Idinagdag pa ni Cayetano na marami nang pamilya ang dumulog sa tanggapan nito na humihingi ng tulong para masagip ang pamilya nito matapos na mabaon sa pagkakautang ang kanilang kaanak dahil sa e-sabong.
“Mahirap po kapag nasira ang pamilya. Kung nakikita namin na medyo magiging delikado sa pamilyang Pilipino, tungkulin namin na maging vocal tungkol dito at ipahayag namin ang aming oposisyon,” sabi ng kongresista.
Idinagdag pa ni Cayetano na dapat na palakasin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang e-sabong regulations upang mapigilan na marami pa ang malulong dito.
Magugunitang maging si dating House Speaker Alan Peter Cayetano at maging ang ilang sektor, magulang, guro at religious leaders ang mariing tumututol sa pagsasalegal ng e-sabong at iba pang uri ng online gambling.
“Parents, teachers, mga pari, pastor, ministro, mga imam, we have to speak up para ‘di lumaganap ang bisyo na ito na makakasira sa ating mga values,” sabi nito.
-30-
