
Ni NOEL ABUEL
Ipinamahagi ng Ang Probinsyano party list ang ilang educational assistance sa 290 mag-aaral sa Manila at Marikina.
Nabatid na 290 high school at college students ang binigyan ng educational assistance noong Miyerkules, Disyembre 15, 2021.
Sa seremonya na ginanap sa Alakdan covered court sa San Andres Bukid, sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), 270 estudyante mula sa Maynila ang tumanggap ng P2,000 bawat isa mula sa party-list bilang pandagdag sa kanilang school budget.
Nauna rito, dalawampung student-beneficiaries naman mula sa Marikina ang sumailalim sa isang educational assistance orientation sa Tanong Barangay Hall.
Pagkatapos ng orientation ay agad nagtungo ang mga mag-aaral sa Batasan Pambansa para sa payout. Bawat high school student ay nakatanggap ng P2,000 hanggang P3,500 habang kada college student naman ay may P5,000.
Ipinaalala ni Ang Probinsyano Party-List third nominee Michael Chua, na dumalo sa orientation at payout, ang mahalagang papel ng kabataan sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.
“Kami po ay naghahangad ng isang inklusibo at produktibong pag-aaral para sa lahat. Kung kayat kami po ay naririto upang maghatid ng kaunting tulong,” ayon kay Chua.
Hinimok ni Chua ang mga estudyante na pagtibayin ang kanilang edukasyon dahil ito ang kanilang tulay para sa mas magandang bukas.
–
