Online registration sa tatanggap ng booster shots kinuwestiyon ng kongresista

Ni NOEL ABUEL

Kinuwestiyon ng isang kongresista kung bakit kailangan pang dumaan muli sa online registration ang mga babakunahan ng booster shots ng Department of Health (DOH).

“Bakit kailangan pang mag-register ulit online para sa booster shots ang mga nakatapos na ng primary doses? ‘Di ba nakasaad naman sa  database kung sinu-sino ang mga nakatapos na sa primary doses?,” pag-uusisa ni  BHW party list Rep. Angelica Natasha Co.

Inihalimbawa nito ang mga naturukan ng 2nd dose noong Hunyo 21, 2021 ay dapat na awtomatikong naka-schedule nang mabigyan ng booster shots sa Disyembre 21, 2021 o anim na  buwan matapos ang primary doses.

“Dapat kontakin na sila bago pa sumapit ang ikaanim na buwan para makapaglaan na sila ng oras para sa muling pagpapabakuna ng booster,” sabi ni Co.

Paliwanag pa ng mambabatas na ang DOH at ang mga local government units (LGUs) ay dapat na magkusang makipag-ugnayan sa mga  dati nang nakapagparehistro sa bakuna para tawagan ang pansin ng mga ito na panahon nang tumanggap ng booster ang mga ito.

“DOH-LGU na mismo ang dapat magkusang kumontak sa mga dati nang rehistrado. Pinahihirapan lang ulit ang taumbayan sa panibagong online registration. Iyan ang sistemang atrasado. If we want our people to do something, make it easy,” paliwanag nito.

“LGUs with online vax registration should no longer require old registrants to sign-up and schedule their booster shots. The databases  they have already know who have received their primary doses,” dagdag pa ni Co.

Dapat aniyang buksan ang mga vaccination center sa mga walk-ins para mabigyan ng boostr shots.

“Para sa walk-in method, kailangan lang ipakita ng mga babakunahan ang kanilang vax card upang makita ang petsa ng kanilang 2nd dose at ive-verify ito ng DOH-LGU sa kanilang database right there and then. Ganu’n lang dapat kasimple. No hassle at all,” ayon pa sa mambabatas.

Leave a comment