Pagbabalik normal ng pamumuhay ng biktima ng bagyo pinamamadali ni Senador Bong Go

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go para sa agarang pagpapanumbalik ng mga kritikal na serbisyo, kabilang ang kuryente at telekomunikasyon na naapektuhan ng bagyong Odette sa lalong madaling panahon.

Ayon sa senador,  mahalaga na maibalik ang normal sa buhay ng mga biktima ng bagyo lalo na at nalalapit na ang araw ng Kapaskuhan.

“Ako po’y nananawagan sa national government, kahapon kausap ko si Sec. Cusi, tulungan po kaagad na mabalik ‘yung kuryente. At sa mga nagho-hoarding po ng gasolina, huwag kayong magsamantala lalo na sa panahong ito. Naghihirap po ang Pilipino, tulungan po natin sila,” sabi ni Go.

Ayon kay Go, dapat magbigay ng sapat na suporta ang gobyerno sa mga apektadong komunidad lalo na sa pagpapanumbalik ng mga mahahalagang serbisyo upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ng iba ang pagsasamantala sa sitwasyon.

“Kaya nga po nananawagan kami na tulungan kaagad ng gobyerno ang mga kababayan natin para walang mag-hoarding, walang magte-take advantage sa situation. Naghihirap po ang ating mga kababayan, kita mo pumipila po para makabili lang ng gasolina, pumipila para makabili ng pagkain at tubig,” ani Go.

“Tulungan po natin sila. Huwag kayong mag-take advantage sa sitwasyon ngayon. Dapat tulungan natin ang ating kapwa Pilipino. Ito po ‘yung panahon na magtulungan po tayo,” dagdag nito.

Leave a comment