Prize freeze sa pagkain at tubig ipinanawagan ni Senate President Vicente Sotto III

Ni NOEL ABUEL

Hinimok ni Senate President Vicente Sotto III ang Malacañang na ipag-utos ang pag-freeze sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga lugar na pinakamatinding tinamaan ng bagyong Odette, ang pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong taon.

Sinabi ni Sotto na dapat kumilos ng mabilis ang gobyerno upang mapigilan ang mga walang pusongbmay-ari ng negosyo na samantalahin ang kalamidad at pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng kakulangan sa suplay ng pagkain at tubig.

“Sa panahon ng krisis, hindi nawawala ang mga abusadong mangangalakal na nagagawa pang magtaas ng presyo ng mga basic commodities tulad ng bigas at potable water sa kabila ng paghihirap na dinaranas ng mga pamilyang apektado ng anumang kalamidad. Mahalagang unahan na ng pamahalaan ang mga taong ito sa pamamagitan ng pag-impose ng price freeze sa mga lugar na tinuligsa ng bagyong Odette,” paliwanag pa ni Sotto.

Sa pananalasa ng super typhoon Odette sa pitong rehiyon sa bansa, nag-iwan ito ng daan-daang patay at sinira ang bilyun-bilyong pisong halaga ng mga ari-arian sa Surigao del Norte, Dinagat Islands, Bohol, Cebu, Southern Leyte, Negros Oriental, at Palawan.

“Aksyon agad. Iyan ang kailangang gawin ng ating pamahalaan nang sa ganu’n ay hindi na madagdagan pa ang paghihirap na dinaranas ng ating mga kababayan mula sa Caraga region, Western Visayas, Eastern Visayas, Bicol, at Northern Mindanao,” ani Sotto.

“Importante na laging alerto ang mga opisyal ng gobyerno sa mga pang-aabuso na maaaring maganap sa gitna ng krisis. Hindi na kailangan pa ng dagdag na pasanin ng ating mga kababayang nawalan na ng kaanak at bahay ng dahil sa bagyong Odette,” dagdag pa ng lider ng Senado.

Leave a comment