
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Francis ‘Tol’ Tolentino sa National Housing Authority (NHA) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magtulungan para magamit na construction materials ang ang mga puno ng niyog na pinadapa ng hagupit ng bagyong Odette at ipamahagi sa mga apektadong residente na nawalan ng tahanan matapos ang nasabing delubyo.
Ginawa ni Tolentino ang pahayag kasunod ng pagbisita nito sa isla ng Siargao na bahagi ng Surigao del Norte nitong Lunes kung saan kabilang ito sa mga lugar na lubhang winasak at sinalanta ng nasabing mapaminsalang bagyo noong nakaraang linggo.
Ayon kay Tolentino, maaaring magamit bilang alternatibong materyales na panggawa ng bahay ang libu-libong puno ng niyog na natumba noong kasagsagan ng bagyo at ipamahagi sa residenteng nawalan ng bahay sa Visayas at Mindanao dahil sa tindi ng bagsik ng nabanggit na unos.
Ani Tolentino, mahalaga ang gagawin ng NHA sa pamumuno ni General Manager Marcelino Escalada Jr. at ng TESDA dahil sa teknolohiya ng mga ito kung paano gagawing coco lumber ang mga natumbang puno ng niyog at ipamahagi bilang libreng materyales para sa mga sinalanta ni Odette.
“Sayang naman kung ‘di gagamitin, nalinis mo na ang kapiligiran nakagawa pa ng construction materials. I urge NHA to coordinate with TESDA as am sure based on my past experience with calamities they still have that technology,” ani Tolentino, chairman ng Senate Committee on Urban Planning, Housing, and Resettlement.
Sa kanyang pagbisita sa Siargao nitong Lunes, pinulong ni Tolentino ang pinuno ng iba’t ibang mga lokalidad sa nasabing isla at tumulong din sa pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong residente.
