
Ni NOEL ABUEL
Nagpadala ng humanitarian flight si presidential aspirant at Senador Manny Pacquiao patungo sa probinsiya ng Leyte para sa mga nasalanta ng bagyong Odette.
Nabatid na ang relief goods ay isinakay sa British Aerospace Avro RJ100 at umalis ng alas-11:30 ng umaga at lumapag sa Tacloban airport ganap na ala-1:00 ng hapon.
Sinasabing nasa walong tonelada ang dinala sa probinsiya na kinabibilangan ng blankets, 65 boxes ng solar powered flood lights at assorted food items katulad ng cup noodles, mineral water, bigas at sardinas.
Isa lamang ang probinsiya ng Leyte sa pinapadalhan ng tulong ng Team Pacquiao makaraang humagupit ang bagyong Odette sa bansa.
Samantala, bumiyahe rin sa CARAGA region ang grupo dala ang truckload ng relief goods at pasimula pa lamang umano ito dahil marami pang dadalhin sa mga lugar na sinalanta kapag natapos nang mag-report ang unang grupo kung anong lugar ang dapat unahin.
“I expect our first truck to arrive tonight barring unforseen circumstances. ‘Yung first team will also assess which areas need more help,” ayon kay Pacquiao.
Ayon sa senador, sakaling matapos ang ulat ng first responder ng kanyang team ay personal itong bibisita sa lahat ng mga apektadong lugar upang makita ang sitwasyon.
Patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods sa iba’t ibang bahagi ng Cebu kung saan dalawang eroplanong puno ng relief goods ang lumapag sa lugar.
Pinangunahan naman ni Team Pacquiao campaign manager Buddy Zamora at communications head Bernard Peralta at mga representante ng Tzu Chi Foundation sa pagunguna ni Mrs. Elsie Chua ang pagdadala ng relief goods na tinanggap nina Leyte, Governor Leopoldo “Mic” Petilla at iba pang opisyal ng probinsya.
Ang mga donasyan ay sa ilalim ng United Relief Operations (URO), isang non-partisan umbrella organization ng iba’t ibang aid groups na inorganisa ni Pacquiao para magbigay ng tulong sa mga biktima ng bagyo.
Bukod sa URO ang grupo ay binubuo rin ng Wings Of Hope, Tzu Chi Foundation, Veloce Group, Team Pacquiao GG at iba pang celebrity volunteers.
