Dating DILG Sec. Puno tutulong kay Senador Panfilo Lacson

Ronaldo Puno

Ni NOEL ABUEL

“Kaaway dati, tagasuporta na ngayon”.

Ito ang pagsasalarawan ni dating Interior Secretary Ronaldo “Ronnie” Puno na kanyang dahilan kung bakit nito napagdesisyunang suportahan at pamahalaan ang kampanya ni Senador Ping Lacson.

“Si Ping Lacson, buong buhay ko sa gobyerno nang magkasama kami, magkaaway kami… Ang haba ng history namin, parang dalawang magkaklase sa isang eskwelahan na nag-a-aspire maging No. 1, di ba lagi silang magkaaway?” kwento ni Puno na ngayon ay isa sa mga punong abala sa presidential campaign ni Lacson.

Sinasabing noong administrasyong Estrada, naglingkod bilang hepe ng Philippine National Police si Lacson habang si Puno ay nagsilbing kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan PNP ay nasa ilalim ng pamamahala ng DILG.

Pag-aalala ni Puno, kabilang sa mga pinag-awayan nila ay ang utos ni Estrada na sugpuin ang ilegal na pasugalan pero huwag idamay ang ilang mga gambling lords.

Sa kabila nito, sinikap ni Lacson na buwagin ang illegal gambling nang walang sinasanto sa pamamagitan ng kanyang no-take policy at tapat na pamumuno.

Kwento pa ni Puno, umabot pa sa demandahan at pag-isyu ng arrest orders ang naging working relationship nito kay Lacson.

Ngunit kahit kailan aniya ay di nawala ang respeto aniya kay Lacson na itinuring nitong pinakamalinis, dedikado, seryoso at tapat na lingkod bayan.

Dahil dito, hindi na sya nag atubili na tumulong sa kampanya ni Lacson.

“Sa tagal ko sa gobyerno, 25 years old nasa gobyerno na ako, wala akong nakilala – wala, wala – na kasing-linis, kasing-tino, kasing-dedicated, kasing-sincere at kasing-honest as Ping Lacson,” saad ni Puno.

“Ito yung pinakamagaling na pagkakaibigan na nagmula sa away. Walang rason bakit kami magkaibigan. Walang rason bakit nandito ako ngayon,” dagdag pa ng dating kalihim.

Leave a comment