Proteksyon ng mga manggagawa regalo ng DOLE ngayong Pasko

DOLE Sec. Silvestre Bello III

May magandang regalo ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawa sa impormal na ekonomiya, kabilang ang mga kasambahay, ng higit na proteksiyon simula ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Ayon kay DOLE Sec. Silvestre Bello III, ang mga manggagawa, lalo na ang ang maaaring maabuso, ay makakahanap ng mas mahusay at mas pinalakas na proteksiyon sa alituntunin ng ahensya para sa Safe Spaces Act o Republic Act No. 11313, na mas kilala ang batas sa tawag na “Bawal Bastos”.

Ipinalabas ng kalihim ang Department Order No. 230 series of 2021 kung saan nakasaad ang mekanismo at interbensiyon, kabilang ang sistema sa pagtugon, sa mga kaso ukol sa pang-aabusong sekswal batay sa kasarian sa lugar-paggawa, para sa mga kasambahay, manggagawa sa impormal na ekonomiya, at iyong mga nagtatrabaho sa mga establisimyentong may 10 o mas kaunting empleyado.

Ang impormal na ekonomiya ay tumutukoy sa lahat ng gawaing pang-ekonomiya ng mga manggagawa at mga yunit ng ekonomiya na nasa batas o gawain na hindi sakop o hindi sapat ang proteksiyon mula sa pormal na usapan.

Tinutukoy ng kautusan ang Gender-Based Sexual Harassment (GBSH) bilang mga partikular na gawain na mapaparusahan sa ilalim ng RA 11313 na maaaring mangyari sa mga lansangan o pampublikong lugar; online; lugar-paggawa; at mga institusyong pang-edukasyon at pagsasanay.

Sa ilalim ng batas, ang GBSHs ay ang mga hindi kanais-nais at hindi inaanyayahang aksyon o pananalita laban sa sinumang tao anuman ang kanyang motibo sa kanyang ginawa o komento.

Upang matiyak ang ganap na pagsunod sa batas, inatasan ng DOLE ang mga employer ng mga manggagawa sa impormal na sektor na bigyan ng oryentasyon ang lahat ng manggagawa sa establisimyento at kabahayan ukol sa Safe Spaces Act.

Para sa mga kasambahay, dapat nakasaad sa kontrata ng mga manggagawa ang garantiya na protektado sila mula sa sekswal na pang-aabuso.

Inaatasan din ang mga employers o iba pang tao na may kapangyarihan, impluwensiya o katungkulan sa establisimiyento na pigilan, hadlangan, o parusahan ang lumalabag sa GBSH sa lugar-paggawa.

Kinakailangan din na ang mga establisimiyento, bilang bahagi ng kanilang programa para sa ligtas at malusog na paggawa na bumuo ng kanilang GBSH code of conduct o patakaran sa lugar-paggawa.

Sinabi ni Bello na upang matiyak ang pagsunod ng mga employers sa batas at sa Department Order No. 230, magsasagawa ang DOLE ng taunang biglaan at hindi nakaanunsyong inspeksisyon sa ilalim ng kasalukuyang umiiral na patakaran at regulasyon.

Maaaring maghain ng reklamo sa DOLE attached agencies at regional, provincial, field, o satellite office na pinakamalapit sa pinagtatrabahuhan ng manggagawa, tirahan, o lugar kung saan naganap ang pang-aabuso.

Leave a comment