

Ni NOEL ABUEL
Nagkaloob ng tulong ang Ang Probinsyano party list sa mga pamilya mula sa malayong lalawigan ng Bohol upang maghatid ng saya sa Kapaskuhan.
Partikular na tinulungan ng nasabing grupo ang coastal community ng Jagna kung saan nagkaloob ito ng Noche Buena bags at ayuda bags sa 350 pamilya.
Isa si Ronson Tumaliwan, isang auxiliary officer ng Philippine Coast Guard at residente ng Jagna, Bohol ang nagpasalamat sa binigay na tulong ng Ang Probinsyano party list.
“Maraming lugar pa rin dito sa Bohol ang impassable sa mga sasakyan at hindi pa rin naaabutan ng tulong katulad ng bayan ng Ubay at Trinidad. Kami rito sa Jagna, hindi man kasing lala ang naging pinsala sa lugar namin, 37 ang namatay dito, maraming bahay ang nasira at nangangailangan din kami ng tulong. Kaya nagpapasalamat kami sa Ang Probinsyano Party List kasi kaming nasa “outskirts” nahatiran ng tulong. Sabi nga ng isang kasama namin dito, salamat dahil may pang-spaghetti na kaming handa ngayong Pasko,!” pahayag pa ni Tumaliwan.
Nabatid na sa gitna ng mahahabang linya ng pila sa mga istasyon ng gasolina kung saan ang mga presyo ng gasolina ay umabot na ng hanggang sa P110 bawat litro, mga nasirang bahay at kawalan ng supply ng kuryente at walang signal, ay optomistiko pa rin ang mga biktima ng bagyo na makaahon sa nasabing trahedya.
“Natutuwa akong makita na mukhang masisigla pa rin po kayo, it’s a good sign na hindi tayo nawawalan ng pag-asa. Hindi tayo nawawalan ng determination na magkaroon pa rin tayo ng Pasko. Ang gusto ko lang pong sabihin sa inyong lahat ay huwag po tayong susuko. Nandito po ang aming Partido, ang Ang Probinsyano Party List, lagi pong nag-iikot at sumasama sa mga laban ninyo,”ayon kay Rep. Alfred Delos Santos sa pahayag nito sa Looc Multi-Purpose Hall and Tubod Monte Operation Center.
Sinabi pa ni Delos Santos na napili nitong tulungan ang Jagna, Bohol matapos makipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan ng Bohol, Cebu, Surigao at Siargao.
“Kanina, dumaan kami sa Sibonga, Cebu kung saan nito lang early December ay nakausap namin si Mayor Lionel Bacaltos at nakapaghatid po tayo ng tulong doon noong sila ay hindi pa nasasalanta ng Bagyong Odette. Kaya isa ang Sibonga, Cebu na pupuntahan natin sa mga susunod na araw para maghatid-tulong sa mga constituents ni Mayor Bacaltos” sabi pa ni Delos Santos.
