2022 national budget ipapasa bago matapos ang 2021—Sen. Go

Senador Christopher Go

Ni NOEL ABUEL

Tinitiyak ni Senador Christopher “Bong” Go na bibilisan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagrepaso at paglagda sa panukalang 2022 General Appropriations Act upang matiyak na may working budget ang gobyerno para sa rehabilitasyon at pagbawi ng  mga lugar na matinding tinamaan ng bagyong Odette.

“Minadali na po ni Pangulong Duterte para po pagtuntong ng January 1 o January 3, mayroon na ho tayong working budget. Hindi lang ho dito para sa typhoon but para dito sa COVID response po natin dahil kailangan kaagad ng tulong ng mga kababayan natin at dapat hindi maputol ang ating COVID response,” sa isang panayam sa radyo kay Go.

Aniya, ito ang nais na mangyari ni Pangulong Duterte para makabalik na sa normal na pamumuhay ang mga Filipino.

“‘Yun naman po ang gusto ng gobyerno, ng bawat isa, ng bawat Pilipino na makabalik tayo sa ating normal na pamumuhay. Mabuksan ‘yung ekonomiya at makapagtrabaho na po lalung-lalo na po ‘yung mga nawalan ng trabaho,” sabi nito.

Posible umano na bago matapos ang 2021 ay malalagdaan ang 2022 national budget.

Samantala, ibinahagi ni Go ang ilan sa mga direktiba ni Duterte na palakasin ang pagbangon at tugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima ng bagyo. 

Sinabi ng senador na ang mga law enforcement agencies, kasama ang Armed Forces of the Philippines, ay inatasang magsagawa ng lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa mga apektadong lugar.

“Inatasan na po ni Pangulo Duterte ang Armed Forces at ang pulis at ang Defense Department, ang Department of the Interior and Local Government, even Coast Guard, DOTR (Department of Transportation), lahat po ng ahensya ng gobyerno na magtulung-tulong po,” sabi nito.

“Gusto niya ‘yung Armed Forces dahil mas mapabilis at ang pulis dahil may sistema na silang sinusunod at may mga kagamitan nga sila, ma-assess,” dagdag pa ni Go.

Leave a comment