
Ni NOEL ABUEL
Kinalampag ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ang Senado na madaliin ang pag-apruba sa panukalang magtayo ng mga permanent evacuation centers sa buong bansa kasunod na rin ng pananalasa ng bagyong Odette.
Ayon sa kongresista, magsilbing aral na aniya sa mga mambabatas ang nangyari sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo.
“The loss to lives and property in the Visayas and Mindanao should be seen as a wake up call for us in Congress to be pro-active in our legislation. Climate change is a reality we can no longer deny or ignore, and like the rest of the world, governments are taking measures to protect the vulnerable sectors from its worst effects. It’s about time we step up to the challenge,” aniya.
Paliwanag ni Vargas, principal author ng House Bill 8990 o An Act Establishing Evacuation Centers in Every City and Municipality, ipinasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala kung kaya’t dapat na kumilos na rin ang Senado.
Sinabi pa ni Vargas na ang itatayong evacuations centers ay climate resilient at matatagpuan sa ligtas na lugar at mayroong mga kinakailangang amenities na pangmatagalang solusyon sa krisis sa mga komunidad na malubhang apektado ng patuloy na malakas na bagyo.
Idinagdag pa ng mambabatas na ang disaster response at climate mitigation ang dapat na maging prayoridad ng Kongreso lalo na at ang Pilipinas ang isa sa mga bansang higit na naaapektuhan ng climate change.
Nabatid na sa pinakahuling datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa mahigit sa 313,000 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers.
