Hataman: Budget ng Basilan State U nadagdagan sa 2022

Rep. Mujiv Hataman

Ni NOEL ABUEL

“Simula na ito ng conversion ng Basilan State College para maging ganap na State U na. Mas madaming mag-aaral ang makikinabang, mas malaki ang oportunidad sa pag-unlad. Mahaba pa ang tatahakin, pero tuloy-tuloy na ito”.

Ito ang pahayag ni House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman kasunod ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022 General Appropriations Act kung saan kabilang ang State Universities and Colleges (SUCs) na dinagdagan ng pondo.

Nabatid na ang Basilan State College, na nalalapit nang maging Basilan State U sa taong 2022 dahil sa pagpasa sa national budget kung saan mula sa P113.1 milyon na inaprubahan ng Kamara at Senado para sa SUCs ay ginawang P233.8 milyon sa isinagawang bicam.

“Malugod kong ipinapaalam sa mga Basileños na higit pa sa doble ang itinaas ng pondo para sa ating Basilan State College bilang paghahanda sa napipinto nitong conversion para maging Basilan State U,” sabi ni Hataman.

“Kami ay nagagalak at naisama siya sa national budget natin para sa 2022 para masimulan na ang pagbabago. Nagpapasalamat ako sa ating mga kasama sa Kongreso sa napakagandang balita na ito,” dagdag pa nito.

Sa 2021, ang approved budget para sa Basilan State College ay nasa P117.2 milyon habang sa panukalang pondo sa 2022 ay P113.1 milyon ang inilaan ng dalawang Kongreso subalit sa bicam ay ginawa itong P233.8 milyon.

At ngayong taon, nilagdaan ng Pangulo ang Republic Act No. 115544, o “An Act Converting the Basilan State College in the City of Isabela into a state university known as the Basilan State University”.

“At sa loob din ng taong ito, naglaan tayo ng pondo na maaring magamit para sa conversion. Mahaba pa ang lalakbayin natin, pero pwede na tayong humakbang patungo doon. So we are very grateful for this opportunity that we can plan and start a better Basilan State U for the future of our children,” paliwanag nito.

Leave a comment