PRRD pinuri sa nilagdaang pagtatag ng Department of Migrant Workers

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Nagpasalamat si Senador Christopher “Bong” Go kay Pangulong Rodrigo Duterte sa tuluyang pag-aruba at paglagda sa Republic Act No. 11641 na naglalayong magtatag ng Department of Migrant Workers (DMW).

Una nito, ipinasa ng Senado ang Senate Bill no. 2234 sa botong 20-0  noong Disyembre 14 para sa pagkakaroon ng Department of Overseas Filipino Workers.

Nabatid na ang DMW ang magsisilbing pangunahing ahensya na mag-iimplementa ng polisiya, plano, at programa na magsisiguro sa proteksyon ng mga overseas Filipino worlers (OFWs).

Nakapaloob din sa nasabing batas ang pagtatatag ng Management Information System na magsisilbing registry ng lahat ng OFWs, at 24/7 Emergency Response and Action Center Unit at ng media and social media monitoring center na tutugon sa pangangailangan ng mga tinaguriang buhay na bayani.

Gayundin, magkakaroon din ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund na magbibigay ng tulong legal.

“Alam natin ang sitwasyon na pinagdaanan ng ating OFWs. Hindi nababayaran ang lungkot, lalung-lalo na kung napapalayo ka sa mga mahal mo sa buhay para lang may pangtustos ka sa gastusin ng iyong pamilya at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang iyong mga anak,” sabi ni Go.

“Kaya talagang malaking accomplishment ito dahil binibigyan natin ng tamang pagkilala ang ating mga bagong bayani. Dapat suklian natin ang kanilang sakripisyo sa pamamagitan ng mas maayos at mabilis na serbisyo,” dagdag pa nito.

Leave a comment