Sen. Go sa mga ahensya ng pamahalaan: Gamitin ng maayos ang pondo

Ni NOEL ABUEL

Pinatitiyak ni Senador Christopher “Bong” Go sa mga ahensya ng pamahalaan na magagamit ng maayos ang inilaang pondo ng mga ito kasunod ng paglagda ni Pangulong Rodrigo  Duterte sa 2022 General Appropriations Act.

Ayon kay Senador Christopher “Bong” Go, dapat ay walang masayang na pondo at ang mga programa, proyekto at serbisyo ng gobyerno ay maramdaman ng lahat ng Filipino partikular na ang mahihirap.

“Ang panawagan ko naman sa mga ahensyang magpapatupad nito, siguraduhin nating nagagamit ng maayos ang pondo ng taumbayan. Dapat walang masayang ni piso sa kaban ng bayan at dapat maramdaman ng mga mamamayan natin ang mga programa, proyekto at serbisyo ng gobyerno,” sabi ni Go.

Sinabi pa ni Go, na napapanahon ang paglagda ng Pangulo sa 2022 GAA para matulungan ang mga probinsya na sinalanta ng bagyong Odette at sa pandemic response ng pamahalaan.

 “Tiwala ako na ang budget na ito ay napapanahon at angkop upang tuluyan nating malagpasan ang krisis na ating kasalukuyang kinakaharap. Maipagpapatuloy rin natin ang mga programa at proyekto ng Administrasyong Duterte upang tuluyang maisakatuparan ang pangakong mas maginhawang buhay para sa lahat ng mga Pilipino,” ayon pa dito.

Tinukoy pa ni Go ang mga ahensya ng pamahalaan na dinagdagan ng pondo kabilang ang Department of Healt (DOH), Department of Education (DepEd, State Universities and Colleges (SUCs) Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD, Department of Justice (DOJ), at Department of Labor and Employment (DOLE).

Gayundin ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Supreme Court (SC).

Leave a comment