Paggastos sa 2022 national budget dapat ayusin at itama

Senador Christopher Go

Ni NOEL ABUEL

Pinatitiyak ni Senador Christopher “Bong” Go sa lahat ng opisyal ng pamahalaan na gamitin nang maayos ang pondo ng 2022 national budget na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Dapat po’y walang masayang na ni piso sa kaban ng bayan. Tiyakin nating magiging kasangkapan ang pondo ng gobyerno upang mapadali ang pagbangon ng ating bansa sa pagpasok ng bagong taon,” ani Go.

“Kaya hinihimok ko po ang mga kasamahan ko sa gobyerno na gamitin nang tama ang pondong inilaan upang agarang maihatid ang serbisyo at tulong sa mga nararapat nating mga kababayan, sa ating mga mamamayan,” dagdag nito.

Tinukoy pa nito na mahalaga ang budyet para sa ikatatagumpay ng pandemic response ng pamahalaan at recovery efforts sa mga lugar na nawasak ng bagyong Odette.

Binigyang-diin din nito na ang pondo ay makakatulong para sa pagbangon at pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

“Not only sa COVID response dahil ito pong mga biktima po ng Typhoon Odette, inaasahan natin dahil kulang talaga ‘yung pondo nung 2021 — ‘yung disaster fund, ‘yung calamity fund po ng national government kulang na po, P2 bilyon na lang natitira (sa 2021),” sabi pa ni Go.

At ngayong unang buwan aniya ng Enero ay maaari nang gamitin ang pondo para sa Quick Response Fund ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. “Kaya pagdating po ng January, pwede na hong gamitin kaagad ito para sa mga Quick Response Fund ng mga iba’t ibang ahensya, sa mga infrastructure, at makatulong rin po kaagad sa mga local government units dahil marami pong tinamaan,” sabi nito.

Leave a comment