Pet projects ng mga mambabatas dadaan sa masusing pagpaplano at konsultasyon–Sen. Lacson

Senador Panfilo Lacson

Ni NOEL ABUEL

Kailangan nang dumaan sa masusing pagpaplano at konsultasyon sa lokal na awtoridad at ahensya ang mga development projects ng mga mambabatas.

Ito ay ayon kay Senador Ping Lacson kung saan  hindi na aniya kaya pa ng bansa na magsayang muli ng bilyun-bilyong pondo na unutilized funds dahil sa kurapsyon na may kinalaman sa “pork”.

“Kailangan dumaan sa masusing pagpaplano. Maski mag-‘insert’ ka basta may consultation,” ani Lacson, na nakilala sa kanyang paghaharang sa bilyun-bilyong kwestyonableng proyekto sa taunang pagbubusisi sa national budget.

Ibinahagi ni Lacson na tinatayang P300 bilyon kada taon sa budyet mula 2011 hanggang 2020 ang hindi nagagamit dahil hindi dumaan sa wastong pagpaplano o konsultasyon ang mga proyekto na ipinasok ng ibang mambabatas sa pambansang badyet.

Aniya, bagama’t may karapatan ang mga mambabatas na amiyendahan ang National Expenditure Program – o ang bersyon na isinusumite sa Kongreso ng Malacanang – sa pamamagitan ng pag-“insert” ng mga proyekto, wala dapat itong kaakibat na komisyon.

“Karapatan ng mambabatas mag-amend sa NEP. Ang masama kung kumuha ng 20-40% depende sa katakawan. Yan ang mahirap sikmurahin,” giit ni Lacson.

“Kaya may P300 bilyon per year, from 2011 to 2020, na unused appropriations. Ini-insert kasi sa Congress. Paano i-implement ng ahensya yun, ng DPWH,” dagdag ng senador.

Ang malala pa dito, patuloy aniya na naghihirap ang taumbayan habang ang mga tiwali ay patuloy na nagbubulsa ng pera.

“Ang kasuklam-suklam, pag may commission ang proyekto. Naghihirap ang Pilipinas, pagkatapos napupunta sa bulsa ng ilang tiwali at matatakaw sa pera,” diin ni Lacson.

                            

Leave a comment