Huwag nang pasaway–Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa mga Filipino na magtulungan at huwag nang magpasaway sa pagharap sa dumaraming bilang ng kaso ng COVID-19 cases sa bansa at huwag nang maging matigas ang ulo at sumunod sa health protocols.

 Ayon kay Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, kailangang kumilos ang mga Filipino at maging maingat dahil sa muling pagdami ng kaso ng COVID-19 partikular ang epekto ng Omicron variant sa bansa.

Sa datos ng Department of Health (DOH), sa pagpasok ng 2022 ay nakapagtala ng 14 na kaso ng Omicron variant sa bansa kung saan kabilang dito ang tatlong kaso ay local, dalawa ay sa Bicol at ang isa ay sa Metro Manila habang ang natitira ay mula sa ibang bansa.

“As the holiday season draws to a close, everyone is reminded to remain vigilant as we continue to battle COVID-19. It is important to understand that the health protocols will only work if every person remains disciplined and cooperative,” ani Go.

Nagbabala rin ang senador sa mga patuloy na hindi sumusunod sa health protocols at iba pang requirements na paparusahan ng batas.

“Huwag muna tayong makumpiyansa dahil delikado pa rin ang panahon lalo na at may mga bagong variant ng COVID-19 gaya nitong Omicron. Sayang ‘yung naumpisahan natin — ang magandang takbo ng ating COVID-19 response at vaccine rollout — kung magiging kampante muli tayo,” ayon pa dito.

Muling nanawagan si Go sa mga hindi pa rin nagpapabakuna na huwag nang tumanggi lalo na at karamihan sa mga tinatamaan ay ang mga walang bakuna.

“Magpabakuna na sa kanilang pinakamalapit na vaccination site upang makuha ang proteksyon na kailangan laban sa patuloy pa ring kumakalat na COVID-19 na sakit at iba’t ibang variants nito. Libre naman po ang bakuna mula sa gobyerno. Paraan din ito upang maprotektahan ang inyong mga pamilya at mga komunidad,” giit nito.

Leave a comment