
NI NOEL ABUEL
Iginiit ng isang senador na siguruhing ligtas ang mga guro at mag-aaral bunsod ng muling pagpataw ng Alert Level 3 sa Metro Manila dahil sa tumataas na kaso ng Omicron variant.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalina, bagama’t hindi pinahihintulutan sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 ang face-to-face classes sa basic education, nananatili ang panganib sa mga guro at mag-aaral lalo na’t patuloy na kumakalat ang nakakahawang Omicron variant.
Giit ng senador, dapat magsagawa ng regular na COVID-19 testing sa mga guro, lalo na’t patuloy ang mga itong nagtatrabaho sa kabila ng pagsuspende sa face-to-face classes.
Aniya, upang maprotektahan naman ang mga mag-aaral, dapat aniyang paigtingin ng pamahalaan ang pagbabakuna ng mga kabataang may edad na 12-anyos hanggang 17-anyos.
Sa isang pagdinig sa Senado na isinagawa noong Disyembre 17, iniulat ng Department of Health (DOH) na may 7.1 milyon sa 12.7 milyong mga kabataang may edad na 12-anyos hanggang 17-anyos ang nakatanggap na ng isang dose ng COVID-19 vaccine.
Samantala, may 2.7 milyon naman ang itinuturing nang fully vaccinated.
Ngayong buwan ay inaasahan ang pagbabakuna ng mga kabataang may edad na 5-anyos hanggang 11-anyos.
Kamakailan ay hinimok ni Gatchalian ang mga local government units (LGUs) na simulan ang paghahanda sa pagbabakuna ng mga batang mas bata sa 12-taong gulang.
“Sa kabila ng muling pag-akyat ng mga kaso ng COVID-19 at pagkalat ng nakakahawang Omicron variant, patuloy nating dapat ipatupad ang lahat ng hakbang upang protektahan ang ating mga mag-aaral at mga guro upang hindi sila magkasakit,” pahayag ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
“Kahit na ipagpapaliban muna natin ang face-to-face classes sa Metro Manila, mahalaga pa rin ang pagsasagawa ng regular na COVID-19 tests para sa mga guro upang maiwasan natin ang hawaan sa mga paaralan. Para sa mga mag-aaral naman, magbibigay ang bakuna ng dagdag na proteksyon lalo na kung dumating ang panahong makakabalik na sila sa kanilang mga paaralan,” dagdag na pahayag ng senador.
