
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan ang isang kongresista sa mga seafarers, overseas Filipino workers (OFWs), at lahat ng balikbayan na huwag nang tularan ang ginawa ng tinaguriang “Poblacion girl” na lumabag sa health protocols partikular sa mandatory quarantine.
Ayon kay Marino party list Rep. Sandro Gonzalez, hindi na dapat pang maulit ang ginawa ng nasabing balikbayan na babae dahil sa nagdulot lamang ito ng malaking suliranin sa buong bansa.
“Our ardent plea to our returning seafarers, OFWs and fellow Filipinos from abroad is for them to undergo and complete the quarantine period policy and follow all the other health protocols. Please understand that this is a measure to protect your families from COVID-19,” ani Gonzalez.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag sa kaso ng nasabing balikbayang Pinay na nanggaling sa Estados Unidos ilang araw bago mag Pasko na tinagurian sa social media na “Poblacion girl,” at nahaharap sa patung-patong na kaso dahil sa paglabag sa mandatory quarantine requirement at pagdalo pa sa isang party sa Poblacion, Makati kung saan makalipas ang apat na araw ay nagpositibo ito sa COVID-19 kung kaya’t nakapanghawa na ito.
Bagama’t wala pa umanong kumpirmadong impormasyon na dahil sa naturang “Poblacion girl” ang dahilan ng pagtaas ng COVID-19 infections sa Pilipinas kung saan nagdesisyon ang mga awtoridad na ipatupad ang Alert Level 3 sa Metro Manila mula Enero 3 hanggang Enero 15, 2022.
“Huwag nating gayahin si ‘Poblacion girl’ na hindi nag-quarantine at nakipag-party pa. Kaso, COVID-19 positive pala siya kaya, ‘yun, nakahawa tuloy. Gustong sulitin ng ating mga kababayan ang kanilang bakasyon na makasama nang mahaba ang kanilang pamilya, kaso kailangang sumunod sa health protocols. Quality time na lang ang gawin, imbes na makipag-inuman sa mga kumpare at kaibigan, sa pamilya na lang ibuhos ang bonding,” paliwanag pa ni Gonzalez.
