Price manipulators binalaan ng senador

Senador Francis “Kiko” Pangilinan

Ni NOEL ABUEL

Nagbanta si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na mahaharap sa mas mabigat na parusa ang mapapatunayang nagmamanipula sa presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng gasolina at pagkain.

“May nagkwento sa akin, nag-order daw siya ng cooking gas at sinabi niya na magdala ng sukli para sa P1,000. Sagot daw sa kanya, P1,050 na po ang isang tangke na 11-kilogram. Ang bilis ng pagtaas ng presyo,” aniya.

Sinabi ni Pangilinan na base sa Republic Act 7581 o ang Price Act, mahaharap sa mabigat na parusa ang mapapatunayang sangkot sa overpricing o profiteering.

Apela nito sa mga mamimili na agad na isumbong sa awtoridad sakaling may ulat ng overpricing sa mga pagkain.

 Kasabay nito, tinawag ni Pangilinan ang pansin ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng local government units (LGUs) na magtulungan para matiyak na nasusunod ang itinakdang presyo sa mga pangunahing bilihin sa panibagong banta ng lockdown dahil sa COVID-19 virus at ang epekto ng nagdaang bagyong Odette.

“Dapat bantayan na hindi bagyuhin ng mataas na presyo ng pagkain at iba pang bilihin ang ating mga kababayan pagkatapos ng bagyong Odette. Marami pa rin ang hindi pa nakakabalik sa trabaho at dumadaing sa pang-araw-araw na gastusin. Hindi na sila dapat parusahan lalo sa mataas na presyo ng bilihin,” sabi ng senador.

Giit ni Pangilinan, dapat na pakilusin ng DTI ang price monitoring teams nito sa buong bansa hindi lang sa Visayas at Mindanao.

Aniya, ang pagtaas ng presyo ay may malaking epekto rin sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil karamihan ng produkto ay nanggagaling sa mga lalawigang sinalanta ng bagyo.

“Ramdam din ang kalamidad sa Metro Manila  at iba pang lugar sa bansa kung hindi mababantayan ang pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan. The government must show the strength of the law in preventing profiteers from taking advantage of the situation,” sabi ng senador.

Leave a comment