
Ni RHENZ SALONGA
Ipinatapon na palabas ng Pilipinas ang isang Russian national na wanted sa Moscow dahil sa paglabag sa large scale fraud sa nasabing bansa.
Kinilala ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente ang nasabing dayuhan na si Anton Likharev, 39-anyos, na na-deport na kagabi sakay ng Ethihad Airways flight patungong Dubai en route sa Moscow.
Sinundo ang nasabing dayuhan ng dalawang Russian policemen sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para maging escort pabalik ng bansa nito at harapin ang kaso nito.
Ayon kay Morente, Marso 2019 nang madakip si Likharev nang tangkain nitong mag-renew ng kanyang tourist visa sa BI main bldg. sa Intramuros, Manila kung saan nakita na wanted ito sa Moscow.
Dito ay agad na inaresto ang dayuhan nakulong ng 3-taon sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City bago tinuluyang ipa-deport.
Nabatid na una nang nadakip ang nasabing dayuhan noong 2017 dahil sa paglabag sa Fisheries Code of the Philippines at sa municipal ordinance nang patayin nito ang isang green sea turtle sa Dauin, Negros Oriental na isang marine sanctuary.
