
Ni NOEL ABUEL
Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa Kongreso na ipasa na ang panukalang Disaster Resilience Act lalo na at sunud-sunod na ang pagtama ng kalamidad sa bansa.
Ayon kay Go, ang Senate Bill No. 205, o Disaster Resilience Act ay sagot upang masolusyunan din ang kurapsyon sa pamahalaan maliban pa sa magiging gabay rin ito para agad na maibigay ang tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Nabatid na ang SBN 205 ay kasalukuyang nakasampa sa Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation.
“I will not lose hope. Patuloy akong mananawagan. Maybe, at the proper time, ay maipapasa na rin ito dahil kailangan talaga natin ng cabinet-level na secretary para mas mabilis ‘yung koordinasyon between the national government agencies and local government offices,” giit ng senador.
“Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit ko nang sinasabi na dapat may secretary-level na in-charge para mayroong timon na tagapamahala ng preparedness, response and resilience mechanisms pagdating sa mga krisis at sakuna,” dagdag pa nito.
Aniya, sa pagpasa sa 2022 General Appropriations Act, mapupunan ng sapat na pondo para maitayo ang mga infrastructure projects at makabangon ang mga komunidad na naapektuhan ng bagyong Odette.
“Inaasahan natin na pagdating ng January, pwede nang gamitin ni Pangulong Rodrigo Duterte kaagad itong budget para sa mga Quick Response Fund ng mga iba’t ibang ahensya at sa mga infrastructure. Makakatulong ito sa mga local government units dahil marami ang tinamaan at naging biktima,” paliwanag pa ni Go.
