
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Grace Poe sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na paigtingin pa ang mga hakbangin upang mabawasan ang bayarin sa mga digital transaction para mapagaan ang pasanin ng mga consumer.
Aniya, ang moratorium sa dagdag na bayarin sa person-to-person fund transfers ay maituturing na pansamantalang kaluwagan sa publiko na nakaasa na sa electronic transactions lalo na ngayong may pandemic.
Sinabi ni Poe na bawat piso ay mahalaga sa gitna ng kawalan ng trabaho at tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa epekto na rin ng pandemya at ng pananalasa ng bagyong Odette.
“Sa panahong sinusubukan ang tatag ng bawat isa, hinihimok natin ang mga institusyon na tumbasan ang sakripisyo ng milyun-milyong Pilipino na pinagsisikapang pagkasyahin kung anong meron sila,” sabi ng senador.
Sa pamamagitan aniya ng rasonableng transaction fees, mapabibilis din ang pagkamit sa target ng gobyerno na pumihit tungo sa cash-lite economy sa 2030.
Idinagdag pa ni Poe na kailangang makita ng mga Filipino na maaari ang mga itong magtiwala sa sistema ng electronic transfer at makumbinsing ito ay kumbinyente, ligtas at abot-kaya.
