Pagbuo ng Rehab Commission sa Siargao isinulong ni Senador Tolentino

Senador Francis Tolentino

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Senador Francis “Tol” Tolentino kay Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ng Siargao Tourism Rehabilitation Commission na tututok sa rehabilitasyon ng Siargao Island matapos itong salantahin ng nagdaang bagyong Odette.

Paliwanag ng senador, may kapangyarihan ang Presidente ng bansa na gawin ito alinsunod sa Administrative Code of the Philippines.

Sa inihaing Senate Resolution No. 966, sinabi ni Tolentino na ang bubuuing komisyon ang tututok at aakto bilang central coordinating body para sa lahat ng ahensya ng gobyerno at non-government organization na tutulong sa rehabilitasyon at recovery programs para sa Siargao Island at iba pang komunidad na lubhang naapektuhan ng bagyong Odette.

Sa pagtataya ng mga lokal na opisyal ng Surigao del Norte, aabot sa P20 bilyon ang pinsalang dulot ng bagyo sa Siargao, hindi pa kasama sa bilang ang kabuuang pinsalang dulot ng super tyhoon sa buong probinsya dahil pahirapan pa rin ang signal ng telepono, internet, at kuryente sa lugar.

“In addition to the immediate critical needs of the affected residents such as food, water, shelter, and health care, the long-term rehabilitation and rebuilding of the affected homes, businesses, and other infrastructures in Siargao Island must also be addressed,” sabi ni Tolentino.

Sa ilalim ng isinumiteng resolusyon ni Tolentino, ang komisyon ay bubuuin ng kalihim ng Department of Tourism;  Chief Operating Officer ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA);  chairperson ng Regional Development Council para sa Caraga Region; urban planner mula sa pribadong sektor; at kinatawan mula sa Philippine Hotel Owners Association, Inc. na tatayo bilang miyembro.

Tatayo naman bilang ex officio member ang governor ng Surigao del Norte habang ang Presidente din ang siyang magtatalaga ng tatayong chairperson ng komisyon kung saan dalawang taon magsisilbi ang komisyon base sa resolusyon.

Leave a comment