PATAFA, PSC, POC binalaan ng senador

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Nagbanta si Senador Christopher “Bong” Go laban sa Philippine Athletics and Track and Field Association (PATAFA) at Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) na magpapatawag ito ng imbestigasyon sa Senado dahil sa gulong sinapit ni  Tokyo Olympian Ernest John “EJ” Obiena.

Ayon kay Go, chairman ng Senate Committee on Sports, dismayado ito na binubulabog ng mga ito ang paghahanda ng mga national athletes sa kumpetisyon sa ibang bansa.

“I urge PATAFA, POC, PSC  to resolve the matter as soon as possible. Otherwise, I will be compelled to call for a legislative inquiry to find out if there are lapses and excesses on their part,” banta pa ng senador.

 Aniya, sa halip na unahin ng mga ito ang pagbabantay sa mga national athletes at tulungan ang mga itong mag-focus sa pagsasanay at sa darating na international competition ay kabaligtaran ang nangyayari.

 “Trabaho ninyo na tulungan sila. Iresolba at ibigay mga pangangailangan nila. Pagaanin ang pinapasan nila. Hindi para ipitin at mas pahirapan pa sila!,” giit pa ni Go.

“Yung national athletes natin ang focus niyan ay magbigay ng panalo at dangal sa pamilya at sa bansa. Nagpapakahirap yan para maghanda at maging mahusay sa kanyang larangan. Huwag natin ipaproblema sa kanila ‘yung mga isyu na pwede naman pagtulungan ng mga opisyales, mga organisasyon, at mga propesyunal na inatasang suportahan ang Philippine team. Kaya nga nandito tayo para tulungan sila. Hindi para dagdagan pa ang iniisip nila,” dagdag pa ng senador.

Leave a comment