
Ni NOEL ABUEL
Mananatiling naka-lockdown pa rin hanggang sa susunod na linggo ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa gitna na rin ng COVID-19 surge sa National Capital Region at mga kalapit na probinsya.
Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, papalawigin ang lockdown sa Kamara mula Enero 10 hanggang Enero 16.
“We have decided to extend the lockdown by another week from January 10 to 16 as a precautionary measure to protect the health and safety of House members and employees in view of an alarming rise in COVID-19 cases in NCR and adjacent provinces,” sabi ni Velasco.
Paliwanag nito, ito ay bilang precautionary measure na rin aniya upang sa gayon ay maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat kongresista at empleyado ng Kamara.
Inatasan na ni Velasco si House Secretary General Mark Llandro Mendoza na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng lockdown.
Magugunitang noong nakaraang araw ng Martes nang unang inilagay sa lockdwon ang Kamara sa harap ng banta ng Omicron variant ng COVID-19, na pinaghihinalaan ng mga eksperkto na siyang dahilan nang nararanasang magdami ng bilang ng nahahawahan nito.
Sinabi ni Velasco na matapos ang lockdown ay agad na babalik sa kanilang trabaho ang mga kongresista na sakto rin sa kanilang kauna-unahang plenary session mula nang sila ay mag-break noong Disyembre.
Subalit sinabi ng lider ng Kamara na tanging 20 porsiyento lamang ng workforce sa bawat opisina sa Kamara ang papayagan na makapag-report sa trabaho simula Enero 17.
Kasabay nito, pinayuhan ni Velasco ang mga mambabatas at kanilang mga empleyado na manatili na lamang muna ulit sa kani-kanilang mga bahay at makapagtrabaho online.
“Now, more than ever, it is important to continue to wear face mask, maintain proper physical distancing, practice good hygiene, and get vaccinated. For those who have already completed their primary doses of COVID-19 vaccine, get your booster shot once you’re eligible,” aniya pa.
