
Ni NOEL ABUEL
Pinatitiyak ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa gobyerno na magagamit ng tama ang national budget upang matugunan ang mga krisis na nararanasan ng bansa.
Sa isang media interview, sinabi ni Cayetano na isang magandang balita na may pondo ang pamahalaan para magamit sa panahon ng kalamidad, pandemya, at pangangailangan ng lahat ng sektor ng lipunan.
“Hindi problema ang pera. There’s P80 billion with Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry, and Department of Transportation,” sabi nito.
Tanging ang problema lamang aniya ng pamahalaan kung papaano magiging maayos at pagharap sa krisis.
“Medyo magaling na tayo sa relief but medyo mabagal talaga tayo sa rehabilitation. In fact ‘pag may nangyaring bagong kalamidad, nakakalimutan na natin ‘yung dati,” ayon pa sa kongresista.
Sinabi ni Cayetano na nangyari na ito nang tumama ang typhoon Yolanda sa bansa noong Nobyembre 2013 isang buwan matapos na tumama naman ang 7.2 magnitude earthquake sa lalawigan ng Bohol.
“That happened to Bohol nu’ng malaki ang damage ng lindol before tapos nagka-Yolanda. Buti na lang the Boholanos said unahin n’yo ang Yolanda kasi sila maraming namatay, kami damage lang. Pero hindi na nabalikan ‘yung iba,” aniya.
“I hope this doesn’t happen to the victims of typhoon Odette,” dagdag nito.
Paliwanag ni Cayetano ito ang dahilan kung kaya’t noong mangampanya ito kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa nakalipas na eleksyon ay isinulong ng mga ito ang pabuo ng Department of Disaster Resilience.
“Sobra tayong nagpapasalamat sa NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) and of course sa local governments, but really we need an agency sa dami ng bagyo, earthquake, pumuputok na bulkan, and also man-made tulad ng sunog na mga nangyayari. We need a department na walang ibang ginawa kundi relief at rehab,” paliwanag nito.
