Solon sa DFA at DOLE: Saklolohan ang 15 Pinoy seafarers  

Rep. Sandro Gonzalez

Ni NOEL ABUEL

Umapela sa Department of Labor (DOLE) at sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang isang kongresista para sagipin at tulungan ang 15 Filipino seafarers na nakadetine sa bansang France.

Ayon kay Marino party list Rep. Sandro Gonzalez, dapat na kumilos sina DOLE Sec. Silvestre Bello III at DFA Sec. Teodoro Locsin, Jr. kasunod ng natanggap na impormasyon ng Marino Action Center na dinakip ng French authorities at ikinulong ang 15 Filipino crew members ng M/V Trudy dahil sa pagkakakumpiska dito ng cocaine sa isinagawang inspeksyon noong Oktubre 1, 2021.

Sinabi pa ni Gonzalez na ang naturang mga seafarers ay pabalik na sana sa Pilipinas noong Oktubre 3, 2021, o dalawang araw matapos ang nasabing inspeksyon.

Giit ng mambabatas, nakarating sa kaalaman nito na ilan sa 15 Pinoy seafarers ay nakakatanggap ng physical harassment  kung kaya’t dapat na alamin ito ng DOLE at DFA kung may katotohanan ang impormasyon. 

“If the information will be confirmed to be true, please make the appropriate action so that the detained Filipino seafarers are immediately released and brought home to their respective families,” sa sulat na ipinadala ni Gonzalez sa dalawang kalihim noong Enero 7, 2022.

Leave a comment