RT-PCR test dapat libre na — Sen. Sotto

Senador Vicente Sotto III

Ni NOEL ABUEL

Dismayado si Senate President Vicente Sotto III na hanggang ngayon ay matagal pa rin ang paglalabas ng resulta sa COVID-19 Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test sa mga nagpapa-test.

Ayon sa senador, mahigit 24-oras hanggang 30-oras pa bago lumabas ang resulta ng COVID-19 test na malayo sa Estados Unidos sa tanging 30 minuto lamang ay may resulta na agad ang RT-PCR.

“Yes, it’s very disappointing, isa… kasi merong talagang regular nila, kakayanin nila, kung pafast-breakin mo, merong 6 hours. Sa United States ngayon… Sa United States ngayon, meron silang machine, 30 minutes. Kung pinagkakagastusan lang ng DOH… Kung papayagan nila ‘yung mga local government units, dapat ‘yung mga local government units bibili,” giit ni Sotto.

Inihalintulad nito ang pagbili ng bakuna na dahil sa kailangang maging centralized ang pagbili ay natagalan at ayaw hayaan ang mga kumpanya at mga LGUs na bumili ng sarili nilang bakuna kung kaya’t marami ang nahawahan.

“Di ba pati pagbili ng mga vaccines natagalan tayo kasi kailangan centralized, ayaw na hayaan ‘yung mga korporasyon at saka ‘yung mga LGUs na bumili ng sarili nila, but anyway that’s water under the bridge, na-solve na naman nila ‘yon,” aniya.

Idinagdag pa ni Sotto na dapat na maging libre ang RT-PCR test upang sakaling may maramdaman ang isang indibiduwal ay agad na magpapa-test at hindi na magtatago hanggang makapanghawa.  

 “What I’m saying now is that ang kulit ko na dito, paulit-ulit ako, ilang buwan ko nang sinasabi ito, na last year ko pa ata sinasabi ito, even the budget of last year of 2021 sinasabi ko na, dapat ang swab, ang PCR, ang test ng mga kababayan natin dapat libre. Para kahit kailan ka makaramdam, pa-swab ka kaagad. Dapat ganoon. So, in other words, dapat ‘yung mga private companies, gobyerno magbabayad,” paliwanag pa ni Sotto.

Aniya, bagama’t mahirap kontrolin ang virus ay  nakakadagdag pa ang mabagal na kilos ng mga ahensya ng pamahalaan at ang iba naman ay hindi nagkakasundo kung ano ang dapat na ipatupad.

“Kung mabilis ang aksyon, hindi ganyang kalala. Saka ‘yung Omicron, palagay ko hindi kaagad tayo na-warningan ng DOH. Hindi tayo na-warningan ng DOH na padating ‘yan. Ang sinasabi lang merong isa, may dalawa, tatlo… Hindi… Mutation eh… Ang mutation noon papunta doon eh, dapat ‘yun alarmado sila. Dapat noon, nabasa nila ‘yun na ‘padating to ah, alert kayo ah’. ‘Yung mga nasa 200, 300 na per day. Eh bigla nilang binuksan,” paliwanag pa ni Sotto.

Magugunitang nag-quarantine si Sotto ng 7-araw matapos  na isang kaanak nito ang nagpositibo sa COVID-19 at nagpa-test kung saan nagnegatibo na ito sa virus.

Leave a comment