Solon sa DOH at DTI: Bantayan ang price cap sa COVID-19 testing kits

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Pinababantayan ni Senador Christopher “Bong” Go sa Department of Health (DOH) at Department of Trade of Industry (DTI) ang price cap sa COVID-19 Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing kit.

Ayon sa senador, mula Setyembre 2021, ang price caps ng RT-PCR tests na itinakda ng DOH na P2,800 para sa plate-based at P2,450 naman sa GeneXpert sa mga public laboratories at P3,360 naman sa plate-based at P2,940 sa GeneXpert sa pribadong laboratoryo.

“Patuloy po nating i-monitor at pag-aralan ang presyo ng testing para masiguro na angkop ito sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa at nananatiling makatarungan ang presyo nito,” payo nito.

Idinagdag pa ni Go na dapat ding tiyakin ng pamahalaan na pawang sumusunod ang mga accredited COVID-19 laboratories sa transparency sa presyo ng diagnostic testing.

“Kailangan din po nating siguruhin na fully informed ang mga Pilipino sa component costs ng medical services at procedures kaugnay sa COVID-19. Dapat alam nila kung para saan ang binabayaran nila at saan napupunta ang pera nila,” sabi pa ni Go.

“Pinapaalalahanan po natin ang mga hospital, laboratories, testing centers at iba pang health facilities na sumunod sa itinakdang price cap para sa RT-PCR testing at kung eligible po na ma-cover ng PhilHealth, dapat makapag-avail sila ng PhilHealth benefits,” dagdag pa nito.

Batid naman aniya ng lahat na ang COVID-19 testing ay mahalaga ngayon lalo na sa mga returning overseas Filipinos at iba pang pasyente kung kaya’t dapat na matiyak na walang nagsasamantala sa presyo nito. “Dahil sa testing, nalalaman natin kung sino ang dapat i-isolate o nararapat bigyan ng karampatang medikal na atensyon. Importante ito dahil hindi natin nakikita ang kalaban,” giit ng senador.

Leave a comment