
Ni NOEL ABUEL
Naniniwala si dating House Speaker Alan Peter Cayetano na ang bagong inaprubahang Department of Migrant Workers (DMW) Act ay magsisiguro na ang mga isyu na may kaugnayan sa recruitment, trabaho, at deployment ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ay natutugunan.
“Kasi ‘pag desperado o maraming economic crisis, maraming mga recruiters na nanloloko rin o maraming mga employer din. O kaya, sa mga bansa na medyo hirap sa karapatan ng migrant workers, naaapi talaga. So, I wanted to make sure na ‘yung ethical recruitment, nandiyan sa bagong batas,” sabi ni Cayetano.
Paliwanag ng mambabatas, una nang inihain nito ang nasabing panukala noong senador pa ito noong 2017 subalit hindi ito nakapasa kung saan inihain din nito ang kahalintulad na panukala sa Kamara noong 2019 kung saan nang maupo ito bilang House Speaker, naipasa ang DMW noong Marso 2020.
Layon ng pagbuo ng Department of Filipinos Overseas and Foreign Employmentna magkaroon ng iisang ahensya ng pamahalaan na sesentro lamang sa kalagayan ng mga Filipino migrants.
“I think una tayo sa buong mundo na ilagay ‘yun sa batas and magkaroon ng departamento para sa Migrant Workers. At the heart of this bill is ethical recruitment,” sabi ni Cayetano.
Nabatid na ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay magpapatuloy ng kani-kanilang mandato na bantayan ang karapatan ng mga OFWs sa panahon ng transitory period upang maiwasan ang hindi inaasahang pang-aabuso sa mga tinaguriang buhay na bayani.
“In a few weeks, pwede na po mag-appoint ‘yung Presidente ng Secretary na lang, pero ‘yung mismong Departmento, sa 2023 pa or 2024,” anya.
Sinabi pa ni Cayetano na ang mga opisyal na bubuo sa DMW ay nandito na at tanging kailangan lamang ng iisang tao para tuluyan na itong mag-operate.
“Nandiyan naman ‘yung mga tao eh – mga taga-POEA, OWWA, USec. Sarah Arriola ng OUMWA sa DFA,” sabi ng mambabatas.
